
Magsasama muli ang First Yaya stars na sina Sanya Lopez at Cai Cortez para sa all-new episode ng Dear Uge this Sunday, July 25, na pinamagatang "Shout Up."
Dito ay gaganap si Sanya bilang Angie Berde, isang career woman na may anger issues.
Sa kanyang anger management therapy, makikilala niya ang gwapong si Fiel Rodriguez, na gagampanan ni David Licauco.
Si Fiel ay mahiyain, na kabaligtaran ng ugali ni Angie.
Sa Facebook Live nila noong July 22 sa GMA Network Facebook page, sinabi ni Sanya na kaiinisan ang kanyang role sa Dear Uge.
Bahagi ng magaling na aktres, "Ang ganda ng story, na-e-excite ako na mapanood n'yo, guys.
"Kasi, kung napanood n'yo kami sa First Yaya, sobrang baligtad."
"Cute" pa rin naman daw si Sanya kahit galit sa Dear Uge, ayon sa co-star niyang si Cai, na gaganap bilang kaibigan ni Angie na si Narda.
Sabi ni Cai, "Sobrang excited ako na makita n'yo si Sanya na ganito 'yung side n'ya. 'di ko in-expect."
Ayon kay Sanya, totoong nangyayari ang sitwasyon ng kanyang karakter bilang Angie.
"Feeling ko maiirita sila sa 'kin kapag pinapanood nila ko.
"Maraming eksena na nakakatuwa rin talaga.
"Actually, meron din talagang taong gano'n na hirap magpigil ng kanyang galit o nararamdaman."
Sabay hirit ni Cai, "Ang mga taong araw-araw ay HBD -- high blood day."
Sa FB Live, nagbigay pa ng advice sina Cai at Sanya para sa mga taong hindi kaya kontrolin ang kanilang galit.
Sambit ni Cai, "Kailangan ma-accept natin na may mga taong ganito.
"May taong emosyonal na palaging masayahin, may mga taong emosyonal na mababa ang luha, may taong kailangan nating intindihin na may anger issues dahil hindi nila alam kung paano ie-express ang mga nararamdaman nila."
Para naman kay Sanya, natutunan niyang habaan ang pasensya sa mga taong may anger issues.
"Natutunan ko dito sa 'Shout Up.' 'yung pagpapasensya talaga na hindi lahat ng tao, sila ang mag-a-adjust para sa 'yo.
"Minsan kailangan mo rin mag-adjust para sa kanila kasi 'di natin alam 'yung pinagdadaanan nila.
"Sila 'di rin naman nila kung ano 'yung pinagdadaanan mo. Respeto na lang din sa mga nararamdaman ng bawat isa."
Malaking bagay daw kung paano magre-react ang isang tao sa isang sitwasyon, ani Cai.
"Sometimes may mga bagay na hindi natin ma-kontrol, mga sitwasyon na hindi natin mababago pero mababago at mako-kontrol mo kung paano ka magre-react.
"Kung meron kang pinagdadaanan na anger issues, hindi 'yun rason para mambastos o maging disrespectful."
Dagdag pa ni Sanya, isipin daw ang mga salitang bibitawan.
"Minsan kasi 'pag galit tayo, 'di tayo nakakapag-isip nang maayos. 'Pag galit tayo, 'eto na 'yung nasasabi natin."
Tampok din sa "Shout Up" episode ng Dear Uge si Mel Kimura, na gaganap bilang kapitbahay ni Angie na si Evelyn Silencio.
Mapanonood ito ngayong Linggo, July 25, 3:35 p.m., pagkatapos ng GMA Blockbusters sa GMA.