TV

Dear Uge: Pokwang, special delivery si Mahal!

Riot na katatawanan at may kapupulutang aral ang handog ng Dear Uge noong Linggo, August 1!

Sa nakaraang episode nitong pinamagatang 'My Special Delivery,' nakilala ang single mom na si Chit (Pokwang).

Gagawin niya ang lahat para sa nag-iisang anak na si Baby (Elle Villanueva) kahit pa maging delivery rider.

Pinasok ni Chit ang courier business na pinangalan niyang 'Cheeta Padala' para matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

Sa kasamaang palad, ito rin ang rason kung bakit nadagdagan pa ang kanyang bubuhayin.

Ipapadala na sana ni Chit ang isang package ngunit naglalaman pala ito ng tao-- si Dyosa (Mahal).

Ayaw ito tanggapin ng sender, na kapatid pala ni Diyosa, kaya walang choice si Chit kundi kupkupin ang pasaway na babae.

Pinagselosan naman ni Baby si Dyosa dahil napupunta na rito ang atensyon ng kanyang mommy kaya nagdesisyon siyang manatili sa puder ng ama.

Nakiusap si Chit sa kanyang ex-husband na patirahin muna si Baby sa kanyang bahay sa Tagaytay pero nanghingi ito ng kapalit.

Hindi nagtagal, na-realize ni Baby na pera lang pala ang habol ng kanyang Papa kay Chit kaya madali ring umuwi ang dalaga.

Ngayong nakita na ni Baby ang efforts ng kanyang Mama Chit, naging mabait na rin ito kay Dyosa.

Nagpasya rin si Chit na huwag isoli si Dyosa sa kapatid nito kaya ang mapagmahal na nanay, may Baby na, may Diyosa pa!

Patuloy na subaybayan ang kwentuhan sa Dear Uge tuwing Linggo, 3:45 p.m., pagkatapos ng GMA Blockbusters sa GMA.

Kung nais ninyong balikan ang episodes ng Kapuso sitcom, bisitahin lang ang GMANetwork.com o GMA Network app.