
Riot na katatawanan at may kapupulutang aral ang handog ng Dear Uge noong Linggo, October 3.
Sa nakaraang episode na pinamagatang 'What's My Name?' sa Dear Uge, nakilala ang Cruz siblings na gustong-gustong magpapalit ng pangalan.
Paano ba naman kasi, bininyagan silang Tinola (Rafael Rosell) at Pinakbeth (Pauline Mendoza).
Nagkaroon ng bagong identity sina Ino at Beth nang mapalitan ang kanilang mga pangalan ng Maximilian Andromedus Atlas Cruz at Savanna Beatrice Atlas Cruz.
Ngunit ang mga bago pala nilang pangalan, mga pangalan din pala ng mga kriminal!
Sa halip na masolusyonan ang matagal nang problema nina Pinakbeth at Tinola, mas nagulo pa ang mga buhay nila nang pinaghahanap sila ng gangster na si Red (Faye Lorenzo). Ang boss kasi ni Red ay nakatransaksyon pala nina Maximilian at Savanna sa isang drug deal.
Nalusutan naman agad nina Ino at Beth ang kasalanang hindi nila ginawa nang malaman ng mga pulis ang katotohanan. Hinuli rin agad ng mga otoridad si Red na Rhodora Velasquez ang totoong pangalan.
Patuloy na subaybayan ang kwentuhan sa Dear Uge kasama si Eugene Domingo tuwing Linggo, 3:35 p.m., pagkatapos ng GMA Blockbusters sa GMA.
Kung nais ninyong balikan ang nakaraang episodes ng Kapuso sitcom, bisitahin lang ang GMANetwork.com o GMA Network app.