
Mismong araw ng Pasko, December 25 nagtapos ang GMA Telebabad series ng Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation).
Bittersweet ito para sa leading man na si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes na gumanap bilang Captain Lucas Manalo o Big Boss.
Sa isang post sa kanyang Instagram account, nagbahagi si Dingdong ng litrato niya bilang si Lucas habang nakatanaw sa takipsilim.
Dito, inilarawan niyang "mission accomplished" na ang kanyang karakter at ang serye.
"So kumbaga sa exam-- pass your papers na. It's been a pleasure (and an honor) wearing the shoes of the character. This is Captain Lucas Manalo-- Alpha Team's Big Boss-- signing off. A snappy salute to you all. #MissionAccomplished 🇵🇭," sulat niya.
Nagbigay pugay din si Dingdong sa kanyang co-stars tulad ng kanyang leading lady na si Ultimate Star Jennylyn Mercado, Rocco Nacino, Jasmine Curtis-Smith at marai pang iba.
Nagpasalamat siya sa mga ito dahil bukod sa mahusay silang katrabaho, naging mga tunay na kaibigan din niya sila sa haba ng kanilang taping.
"Mapalad akong makasama ang mga mahuhusay at mababait na aktor na ito. Pero higit sa lahat, masaya akong makahanap ng mga bagong “tunay” na kaibigan sa kanilang katauhan. Sayang lang at di ko na mahukay ang larawan ng ibang members-- sa dami at tagal na kasi naming magkakasama, ang hirap na mag-scroll hehe! These pictures will always remind me of the good times we've spent together on the set of DOTS PH," aniya.
Siyempre, hindi rin kinalimutan ni Dingdong ang mga taong nagtatrabaho sa likod ng camera.
"Ang astig at malupet na team behind the success of team DOTS Ph," sulat niya.
Isa ang Descendants of the Sun PH sa mga seryeng naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Pansamantalang tumigil ang taping ng serye sa kalagitnaan ng pag-ere nito nang sumailalim sa enhanced community quarantine ang ilang bahagi ng Pilipinas.
Dahil hindi makunan ang mga eksena sa mga bagong episode, tumigil ding pansalamantala ang pagpapalabas ng show.
Nagbalik naman sa isang lock-in taping ang cast at crew nitong nakaraang September.
Muling ipinalabas ang show noong October kung saan nagkaroon muna ng ilang araw na recap bago ipinalabas ang mga brand new episodes nito.
Nasungkit naman ng DOTS PH ang Most Popular Foreign Drama of the Year award sa 15th Seoul International Drama Awards noong Setyembre.
https://www.gmanetwork.com/entertainment/tv/dots_ph/67733/descendants-of-the-sun-ph-receives-best-foreign-drama-trophy-from-seoul-international-drama-awards/story