
Bilang mga bagong host ng longest-running noontime show na Eat Bulaga, hindi nakakapagtaka na makatanggap ng hindi magagandang mga salita sina Buboy Villar at mga kasamahan niya sa show at inamin na nasaktan siya sa mga sinasabi tungkol sa kanila.
"Actually po, nung una talaga, ang totoo niyan, oo, masakit, e. Masakit talaga. Ako 'yung taong walang pakialam pero once nakapag... unang-unang bungad sa 'yo nega kaagad, parang ang bad kaagad ng morning mo, so nakakalungkot talaga siya,” sabi ni Buboy sa interview niya sa online entertainment show na 'Marites University.'
Dagdag pa nito, pakiramdam niya ay tila isang taon ang lumipas sa isang linggong hinaharap nila ang mga negative na komento mula sa mga manonood.
BALIKAN ANG 44TH ANNIVERSARY CELEBRATION NG 'EAT BULAGA' DITO:
Dito rin ibinahagi ni Buboy kung paano sobrang naapektuhan ang co-host niyang si Betong Sumaya sa mga nababasa nitong comments.
Kuwento niya, “Si Betong, siya talaga 'yung maramdamin sa 'min. Si Betong talaga, kahit sa live, nagbabasa siya. Pero bilang isang katrabaho mo, kunwari, tayo-tayo, na alam mong naaapektuhan ka pero mas affected ito, paano mo ngayon iha-handle 'yun?”
Para kay Buboy, ang maaari lang nilang gawin ay lakasan ang kanilang mga loob at ipagpatuloy ang kanilang ginagawa bilang mga host ng Eat Bulaga.
“Nakaka-hurt lang na parang sa kabila ng magagandang sinabi sa 'yo, o kaya ito na lang. Sa sampung ginawa mo, merong isang mali,” sabi niya.
Ngunit kahit ganun ang pinagdaanan at naramadaman nila, nagpahayag pa rin ng pasasalamat si Buboy dahil may trabaho pa rin sila. Nilinaw din ni Buboy na bilang aktor at nasa entertainment industry, tinanggap lang niya ang trabaho kahit pa mabigat ang pressure na dulot nito.
“Alam natin kung paano tayo magtrabaho, alam natin na 'yung gagawin natin dito ay hindi para palitan sila, kundi magbigay ka lang kung ano 'yung main goal mo, host ka lang ng show, tulong at saya,” sabi nito.