
Bukod sa kanyang TV projects, abala rin ngayon ang aktres na si Kris Bernal sa kanyang mga kabi-kabilang negosyo gaya na lamang ng kanyang sariling make-up line.
Sa pagbisita ni Kris sa "Bawal Judgmental" ng Eat Bulaga nitong Lunes, September 26, ikinuwento niya na talagang hands-on siya pagdating sa paggawa ng mga ibinebenta niyang beauty products.
Kuwento pa ng aktres, nabuo ang konsepto niya ng pagkakaroon ng sariling beauty brand dahil siya mismo ay walang kaalam-alam sa pagme-make-up at gusto niyang magkaroon ng solusyon sa kanyang problema.
Aniya, "Mahilig ako mangolekta ng lipsticks, hindi ako marunong mag make-up pero kapag kailangan kong mag make-up, magli-lipstick lang ako so parang I have a huge collection of lipsticks. Tapos sabi ko, bakit di ako gumawa ng sarili ko, 'yung as in 'yung problema sa lipstick, 'yun ang gagawin ko. So ginawa ko siyang parang may gloss, may peppermint, may skincare 'yung lipstick, tapos na-enjoy ko siya. Ayun naglabas na ulit ako ng bagong product."
Dagdag pa niya, "Kasi kapag gumagawa ako ng product gusto ko parang solution siya to a problem, so kunwari ayan all-in-one. Ako talaga nagpo-formulate lahat."
Aminado rin si Kris na metikulosa siya pagdating sa beauty products na kanilang ibinibigay sa mga customer. Sa katunayan, mag-isa lamang niyang pinapatakbo ang kanyang beauty brand business.
Kuwento niya, "Alam mo kasi sobrang metikulosa ako, so triny ko naman magkaroon ng tao pero kapag iniiwan ko sa kanila parang ako pa rin, ako na lang, kasi mas kabisado ko 'yung gagawin.
"Sobrang hirap, as in doon ako napapagod. At saka since 'yung products ko kasi made in Korea siya so pinapadala pa dito [sa Pilipinas] then balik 'yung feedback ko, pabalik-balik hanggang sa makuha ko yung gusto kong formula."
Paglilinaw naman ni Kris, gusto niya rin na magkaroon ng mga tao na talagang makatutulong sa kanya.
"Sana, kasi sabi nila iba pa rin kapag may team ka kasi mas natututukan mo 'yung iba pang mga bagay for the business," ani Kris.
Samantala, huling napanood si Kris sa katatapos lang na GMA Afternoon Series na Artikulo 247 kung saan first time niyang gumanap bilang full-time kontrabida na si Klaire Almazan.
KILALANIN NAMAN ANG ILANG PINAY CELEBRITIES AT ANG KANILANG SUCCESSFUL BUSINESSES SA GALLERY NA ITO: