
Sa ikaanim na linggo ng Endless Love, pinagtangkaang gawan ng masama ni Shirley Dizon (Nadine Samonte) si Jenny Cruz (Marian Rivera) sa pamamagitan ng paggamit sa isang lalaki para pagsamantalahan ito.
Mabuti na lamang ay napadaan si Andrew Tantoco (Dennis Trillo) sa kuwarto na pinagsisilbihan ni Jenny at agad na napigilan ang masamang balak ng lalaki para kay Jenny.
Samantala, humingi naman ng payo si Jenny kay Johnny Dizon (Dingdong Dantes) tungkol sa pagtingin ni Andrew para sa kanya. Inamin din ni Jenny na nais niyang buksan ang kanyang puso para sa pagmamahal ni Andrew para sa kanya.
Nakipagtulungan naman ang kapatid ni Jenny na si Jojo Cruz (Gabby Eigenmann) kay Shirley para tuluyan nang mapaalis si Jenny sa bahay ni Johnny.
Ikinalat ni Jojo sa eskuwelahang pinapasukan ni Johnny bilang guro na may kinakasama itong babae. Dahil sa nangyaring paninira, nagdesisyon si Johnny na tumigil na lamang sa pagtuturo huwag lamang mawala si Jenny sa kanya.
Gumawa naman ng paraan sina Jenny at Andrew para tulungan si Johnny na muling makabalik sa pagtuturo. Kinausap nila ang namamahala sa eskuwelahan at sinabing sila ang tunay na magkarelasyon at walang namamagitan kina Jenny at Johnny.
Napagdesisyunan na ni Jenny na umalis na lang sa bahay ni Johnny para hindi na makaabala pa at makaiwas na rin sa gulo.
Sa pag-alis ni Jenny sa bahay ni Johnny, pansamantala muna itong tumira sa resort ni Andrew. Wala namang pinalagpas na pagkakataon si Andrew para lalong makuha ang loob ni Jenny.
Sa pagkikita nina Andrew at Johnny, ikinuwento ni Andrew na napapalagay na ang loob ni Jenny sa kanya at palagi-lagi na rin silang masayang nagkakausap.
Inaya naman ni Johnny si Jenny na maghapunan sa kanila ngunit inaya rin ito ni Andrew na kumain sa labas. Pumayag naman si Johnny sa desisyon ni Jenny na si Andrew na lang ang samahang maghapunan.
Pero hindi rin ito natuloy dahil pinuntahan pa rin ni Jenny si Johnny sa bahay nito at naabutang lasing. Dito na ipinagtapat ni Johnny ang nararamdaman niya para kay Jenny.
Inamin na ni Johnny na mahal niya si Jenny nang malasing ito sa kakahintay sa pagdating ni Jenny. Narinig namang lahat ni Jenny ang sinabing ito ni Johnny.
Pumunta naman si Yumi (Bella Padilla) para sana sorpresahin si Johnny sa bahay nito ngunit siya ang nasorpresa nang makita ang larawan ni Jenny sa drawing book ni Johnny.
Naabutan naman si Yumi ni Johnny at nagtapat na gusto na niyang makipaghiwalay kay Yumi. Nais ni Johnny na palayain na si Yumi dahil may iba na siyang minamahal pero hindi pa rin ito pumayag at gusto pa ring ituloy ang kanilang kasal.
Humingi ng tulong si Yumi kay Jenny na muli silang magkita ni Johnny at tinulungan naman ito Jenny. Hindi pa rin sumuko si Yumi kay Johnny at muling napapayag si Johnny na magkabalikan sila.
Muling niregaluhan ni Andrew si Jenny ng kuwintas at sa pagkakataong ito ay tinanggap na ito ni Jenny. Magkasabay rin na kumain ng hapunan sina Jenny, Andrew, Yumi at Johnny.
Habang kumakain, ipinakita ni Yumi kay Andrew ang engagement ring na bigay ni Johnny. Nakita rin ni Johnny na suot ni Jenny ang kuwintas na regalo ni Andrew.
Matutuloy nga ba ang kasal nina Yumi at Johnny?
Patuloy na panoorin ang Endless Love, Lunes hanggang Biyernes sa GMA Telebabad pagkatapos ng 'The World Between Us.'