
Masayang-masaya ang Team Mamita's Angels nang maipanalo nila ang PhP200,000 jackpot prize sa kanilang paglalaro sa Family Feud ngayong, Huwebes, November 2.
Ang nasabing team ay pinangungunahan ng batikang aktres na si Jackie Lou Blanco kasama ang kaniyang mga anak na sina Arabella Davao, Rikki Mae Davao, at kanyang pamangkin na si Diego Gutierrez.
Nakalaban ng Team Mamita's Angels ang Team Martinez Family na pinangungunahan naman ng dating naging ka-loveteam ni Jackie Lou na si William Martinez. Kasama ni William sa kanyang team ang kanyang bunsong kapatid na si Ronnie Martinez, at mga pinsan nila na sina Totie Martinez, at Alvin Martinez.
Sa kanilang paglalaro, panalo agad ang Martinez Family sa first round sa score na 45 points. Sa second round, muli silang nanguna sa game sa score na 121 points.
Pagdating sa third round, nagpatuloy pa ang winning moment ng Martinez Family nang makuha nila ang lima sa anim na survey answers sa tanong na, “Anong makikita sa loob ng palasyo?'
Sa final round, kung saan triple na ang puntos na katumbas ng bawat tamang sagot ay masuwerteng na-steal ng Mamita's Angels ang game kung saan nakakuha sila ng score na 294 points.
Ang final score, Mamita's Angels nakakuha ng 294 points, habang 207 points naman ang Martinez Family.
Sa Fast Money round, sina Rikki Mae at Diego ang naglaro kung saan nakabuo sila ng 235 points na lagpas pa sa kinakailangang score upang makuha nila ang jackpot prize na PhP200,000.
Tumutok sa Family Feud kasama si Dingdong Dantes, Lunes hanggang Biyernes, 5:40 ng hapon sa GMA . Maaari rin itong mapanood via livestream sa Family Feud YouTube channel at Facebook page, GMA Network YouTube Channel, at sa Family Feud show page sa GMANetwork.com.