TV

Dingdong Dantes on hosting 'Family Feud': 'I enjoy the show very much.'

Aminado ang Family Feud main man na si Dingdong Dantes na kahit mismo siya ay madalas nagugulat at natatawa sa mga isinasagot ng contestants sa kanyang game show.

Pero bilang host, kailangan daw niyang pigilan ito hangga't maaari nang hindi maka-distract sa contestants.

“Well, sa totoo lang, mahirap pigilin kapag may mga sagot na nakakatawa. Pero kailangan ko talaga mag-focus kasi, siyempre, gusto ko manalo sila. Otherwise, baka ma-distract sila sa katatawa ko, ayaw ko namang mangyari 'yon,” paliwanag ni Kapuso Primetime King.

Dagdag pa niya tungkol sa bloopers sa show, “Ganun talaga, e, natural na sagot 'yun bilang Pilipino. Lalo na kung under pressure ka, hindi mo na maitatago ang katotohanan, 'yun talaga ang lalabas.”

Nakapanayam siya ng entertainment media sa isinagawang contract renewal para sa kanyang pag-e-endorso sa Filipino restaurant na Mesa kahapon, October 25.

Bukod sa mga nakatatawang sagot, nagiging viral din ito katulad na lamang ng isang “censored” na sagot mula sa isang episode ng Family Feud kamakailan.

Maiksing paliwanag ni Dingdong tungkol dito, “Hindi naman call ng network po 'yon, call na po yun ng MTRCB. Mayroon silang mga guidelines na binibigay, na sinusunod naman ng network.”

RENEWED HOSTING CAREER

Samantala, natutuwa naman si Dingdong na muli siyang nabigyan ng pagkakataon na mag-host ng isang game show.

Aniya, “I just wanna say na I enjoy the show very much. I think, isa ito sa mga nangyari sa career ko na ikinagulat ko kasi never ko naman na-imagine ang sarili ko na nagho-host ng isang game show.

“Although dati, pumalit ako kay Richard Gomez for a while. Pero sandal lang 'yon, akala ko doon na natapos yung career ko sa pagiging isang game show host. But nagulat ako na nabigyan ulit ako ng pagkakataon.”

Nabanggit din ni Dingdong na, “Hanggang ngayon nagugulat ako hindi lang sa mga sagot nila kundi doon sa naging outcome talaga ng show in general, lalo na sa naging effect niya sa akin as a performer. Kasi, never ko naman inakalang makakapag-host ako ng game show. Masaya ako na tinatangkilik siya. Masaya ako na engaged ang mga nanonod kahit nasa bahay. Across all ages, talagang sumasagot, ang saya sa pakiramdam.”

Kaugnay ng pagho-host niya ng Family Feud, nae-enjoy din daw ni Dingdong ang pagkakataong makakilala ng mga bagong indibidwal araw-araw.

Aniya, “Never ko na-imagine na makakakilala ako ng individuals every night simula nang mag-launch kami, mid or early ths year, and I'm happy to say that we're extended until next year--every day I meet eight different people, very interesting. Karamihan kilala ko na, pero marami akong nakikilala ulit, all from the industry--from the TikTok world to YouTubers, to doctors to soldiers, lahat, all walks of life.

“To be exact, walong indibidwal ang nami-meet ko every day and they share interesting stories about themselves, their background, their profession. Alam mo yun, parang nagpapakita siya ng wide range of stories. So, kahit na sobrang energetic ang pag-uwi ko, high energy, ang dami kong baong mga kwento sa bahay.”

Dahil ba sa successful ang kanyang pagho-host ng Family Feud kaya hindi muna siya napapanood sa mga teleserye?

“Kung saan ako kailangan, doon ako,” Sagot ni Dingdong.

“Napu-fulfill ko naman yung artistic side ko. Sabi ko nga, ang dami kong nae-experience sa stage every episode. At dahil wala siyang script, it becomes impromptu. So, it also becomes like a performance. For me, it's something that fuels my passion with regard to art and entertainment na rin.”

TINGNAN ANG IBA PANG HIGHLIGHTS NG SHOWBIZ CAREER NI DINGDONG SA GALLERY NA ITO: