
Sa kabila ng pagiging kontrabida sa inaabangang Voltes V: Legacy, ibinahagi ng aktor na si Martin Del Rosario ang isa sa mga aral na makukuha sa serye lalo na sa team Voltes V na kalaban ng kaniyang karakter.
Sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda ngayong Biyernes, game na sumalang si Martin at kaniyang co-star sa nasabing series na si Liezel Lopez sa isang panayam kasama ang King of Talk na si Boy Abunda.
Bukod sa kanilang career, pinag-usapan ng tatlo ang mga aral na maibibigay nila mula sa Voltes V: Legacy.
“Sa Voltes V, kung may takeaway kami as an audience, ano yun?” tanong ni Boy.
Sagot naman ni Martin, “Patriotism, kasi dito, 'yung Voltes V willing silang ibuwis 'yung buhay nila para sa bayan.”
Ayon naman kay Liezel, may matutunan din ang mga manonood tungkol sa pag-ibig.
Aniya, “I think the right way to love someone, and 'yung wrong way to love someone because in my character po as Zandra, sometimes meron din siyang wrong way type of love din.”
Sumang-ayon naman dito si Boy at sinabing, “That's interesting, may tama at maling pamamaraan ng pagmamahal.”
Gumaganap sina Martin at Liezel bilang Prinsipe Zardoz at Zandra ng Boazanian Empire sa Voltes V: Legacy na mapapanood na ngayong Mayo sa GMA.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
ALAMIN KUNG BAKIT SI MARTIN DEL ROSARIO ANG BAGONG KONTRABIDA NA INYONG MAMAHALIN: