
Labing-apat na taong gulang pa lamang si Maja Salvador nang makilala siya ng batikang TV host na si Boy Abunda.
Sa pagbisita ni Maja sa Fast Talk with Boy Abunda, binalikan ni Boy kung paano niya unang nakilala ang aktres na isang simpleng dalagang estudyante na nagnanais makita ang kaniyang ama noon.
Kung kaya't isa sa naging tanong ni Boy kay Maja, “How much of that girl is still there?”
Sagot naman ng aktres, “[Narito] pa rin siya, 'yung hindi nawawala 'yung mangarap kasi para sa akin kapag natupad na itong isang pangarap na ito, hindi pa rin siya natatapos.”
Aminado naman si Maja na pangarap niya talaga ang makilala at maramdaman ang pag-aalaga ng kaniyang ama.
Aniya, “Ang maramdaman ko kung paano ang magkaroon ng isang tatay sa bahay, forever 'yun Tito Boy.
“Kung hindi ko siya maramdaman, yung makita ko lang 'yung tatay ko. 'Yung masabi ko lang sa mga kaibigan ko, sa mga kaklase ko na, 'May tatay din ako, 'di ko lang siya kasama pero may tatay ako.'”
Nagtagumpay naman si Maja na makilala ang kaniyang ama, pero hindi na naging malalim ang kanilang naging komunikasyon dahil aniya, “Hindi po siya nagtuloy-tuloy kasi may ibang pamilya na rin ang tatay ko.”
Nang ilarawan ang estado ng relasyon nila ng ama, ito ang sinabi ni Maja, “Sakto lang pero masaya na 'yung puso ko na nakilala ko siya.”
Samantala, mapapanood naman si Maja sa bagong sitcom ng GMA na Open 24/7 kung saan makakasama niya sina Vic Sotto, Jose Manalo at maraming Sparkle stars.
Ngayong Hulyo naman nakatakdang ikasal si Maja sa kaniyang fiance na si Rambo Nuñez.
Patuloy na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
SILIPIN ANG HOTTEST PHOTOS NI MAJA SALVADOR SA GALLERY NA ITO: