
Sandaling naging emosyonal ang singer-actress at comedienne na si K Brosas nang mapag-usapan nila ng TV host na si Boy Abunda ang naging gusot nila ng kaniyang ina.
Sa July 5 episode ng Fast Talk with Boy Abunda, kinumusta ni Boy ang pagiging ina ni K sa kaniyang anak na si Crystal.
“Ang masasabi ko lang, 'yung pagiging ina ko ngayon, lahat ng hindi magandang naranasan ko sa pagkabata ko, 'yun naman ang hindi ko pinaparamdam sa anak ko, 'yung physical abuse… na sana na-a-appreciate ng anak ko 'yun,' kuwento ni K.
Matapos ito, ibinahagi ni K na hiling niya rin ngayon ang tuluyang pagkakaayos nila ng kaniyang ina.
Aniya, “Alam niyo naman po siguro 'yung nangyari sa amin ng nanay ko. Ayoko na sanang pag-usapan pero sana ma-resolve din 'yung issue kasi sino ba naman 'yung gustong may galit sa inyo 'yung magulang niyo.”
Hindi na rin napigilang maiyak ni K habang sinasabi ang kaniyang mensahe para nakaalitang ina.
“Sana ano, tama na, 'Ma tama na, tigilan na natin ito… Tama na please, kasi ilang beses na tayong nag-ayos pero… tama na po,” ani K.
Dagdag pa niya, “Lagi kong sinasabi na malaki ang utang na loob ko, hindi ko pinagkakait 'yun. I will be eternally grateful, pero sana tama na, tama na 'yung sumbat, gusto ko lang naman marinig 'yung, 'I'm proud of you, proud ako sa pagpapalaki mo sa anak mo.'”
“At makapag-umpisa tayong muli,” dugtong ni Boy sa sinabi ni K.
“Sana kasi nakakapunta naman ako ng Italy kasi meron naman akong miles, naikailang beses akong punta ng Italy katabi ko 'yung piloto,” biro naman ng singer-comedienne habang tumitigil na sa pag-iyak.
Matatandaan na ibinahagi ni K sa kaniyang mga nagdaang interviews noon na hindi naging maganda ang relasyon nilang mag-ina simula pagkabata na nadala niya sa kaniyang pagtanda.
Pero ngayon, aminado si K na napatawad niya na ang kaniyang ina at humihingi rin siya ng kapatawaran dito.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
BALIKAN ANG ILAN PANG HIGHLIGHTS SA PAGBISITA NI K SA FAST TALK WITH BOY ABUNDA RITO: