
Masayang nakakuwentuhan ng King of Talk na si Boy Abunda ang It's Showtime hosts na sina Jhong Hilario at Ryan Bang sa programang Fast Talk with Boy Abunda ngayong Martes, August 8.
Sa pagbisita ng dalawa, binati ng batikang talk show host si Jhong ng advance happy birthday dahil ipagdiriwang ng actor-host ang kaniyang ika-47 na kaarawan sa Biyernes, August 11.
Tinanong din ni Boy ang dating Streetboys member kung ano ang wish nito para sa kaniyang kaarawan.
“Ang wish ko, sana maging maganda 'yung bonding ng family namin hanggang sa tumanda 'yung anak ko,” pagbabahagi ng It's Showtime host.
Dagdag pa niya, “Totoo po, Tito Boy na kapag mayroon kang anak at talagang nag-e-enjoy ka, nawawala 'yung pagod.”
Matatandaan na isinilang ang babaeng anak nina Jhong at ng kanyang longtime partner na si Maia Leviste Azores noong March 27, 2021.
Samantala, mapapanood ang It's Showtime Lunes hanggang Biyernes, 12 noon, at 11:30 ng umaga tuwing Sabado sa GTV.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.