
Ibinahagi ng comedians at It's Showtime hosts na sina MC Muah at Lassy sa Fast Talk with Boy Abunda na masaya na sila sa kanilang kinalalagyan ngayon at hindi nila hinihiling na maabot ang narating na kasikatan ng kanilang kaibigan at tinaguriang Unkabogable Star na si Vice Ganda.
Sa September 27 episode ng nasabing programa, masayang nakipagkuwentuhan ang comedy duo sa batikang TV host na si Boy Abunda.
BALIKAN ANG THROWBACK PERFORMANCE NI VICE GANDA SA GMA, RITO:
Bukod sa kanilang naging buhay pag-ibig, tinanong ni Boy sina at MC at Lassy kung pinangarap din ba nila na maging kagaya ni Vice.
“Tanong, do you also dream na mapunta rin doon sa tugatog?” tanong ni Boy sa dalawa.
“Hindi,” sagot nina MC at Lassy.
“Masaya na akong ganito,” ani Lassy.
Paliwanag pa ni MC, “Kaya rin siguro kami nagwo-work nila Vice, alam namin na sa isang kaharian, isa lang ang reyna. Kasi kapag maraming reyna, mag-aaway-away.”
“Pero ang reyna kailangan ng tagapagmana,” sagot naman ni Boy sa dalawang komedyante.
Biro ni Lassy, “Ang reyna kasi maganda, tingin mo magmamana ako? Prinsesa maganda, malamang kawal ako.”
Matapos magtawanan, nilinaw ni MC ang sagot nila ni Lassy. Aniya, “Siguro hindi na kami 'yung para maging heirs doon sa throne na 'yun, Tito Boy. Siguro kami na lang yung parang magiging legacy niya.”
Mapapanood sina MC, Lassy at Vice, sa noontime show na It's Showtime, Lunes hanggang Sabado, tuwing 12:00 ng tanghali sa GTV.
Patuloy rin na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.