
“Si Elias, parang niligtas niya ang buhay ko.”
Ganito inilarawan ng award-winning actor na si John Lloyd Cruz ang naging pagdating sa kaniyang buhay ng kaniyang anak na si Elias Modesto.
Sa pagbisita ni John Lloyd sa weeklong birthday celebration ni Boy Abunda sa kaniyang programang Fast Talk with Boy Abunda, kinumusta ng TV host ang aktor tungkol sa kaniyang pagiging ama kay Elias.
Kuwento ni John Lloyd, “Sobrang panalo. Napaka-suwerte ko. Siya yung nagkaroon ng ano e, ang lupit ng naging role niya sa buhay ko no'ng dumating na siya.”
“Paano?” sumunod na tanong ni Boy sa aktor.
Paglalahad ni John Lloyd, “Siguro 'yung pinakasimpleng mapapaliwanag ko is si Elias parang niligtas niya 'yung buhay ko.”
RELATED GALLERY: LOOK: John Lloyd Cruz and son Elias Modesto's rare sightings caught on cam
Dagdag pa niya, “Hindi ko ma-imagine 'yung buhay ko kung paano magtutuloy kung hindi [siya] dumating. Ang dami niyang binigay na bago, bagong kahulugan, bagong duties. All of a sudden, iba na 'yung tingin mo sa lahat.”
Sa tanong naman kung kumusta siya bilang isang ama kay Elias, ito ang naging sagot ng aktor, “Siguro 'yung to lead without imposing, 'yung gusto ko siyang tanungin and gusto ko siyang mag-develop ng sarili niyang capacity to decide on certain things. Siyempre 'yung mga bagay na hindi niya pa kayang desisyunan, 'yun ang role namin.”
Nagpapasalamat naman si John Lloyd sa ina ni Elias na si Ellen Adarna at asawa nito na si Derek Ramsay na tumatayo ring mga magulang ng kaniyang anak.
Aniya, “Ako ay nagpapasalamat kay Ellen and Derek dahil iniisip nila ang kapakanan ng bata.”
Samantala, huling napanood si John Lloyd sa kaniyang sitcom sa GMA na Happy ToGetHer.
Patuloy na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.