
Inamin ng mag-asawang sina Dingdong Dantes at Marian Rivera na nahirapan sila sa kanilang intimate scene sa comeback film nila together na Rewind.
Sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Miyerkules, December 13, tinanong ng batikang TV host ang DongYan kung mas naging madali ba ang kanilang naging pagtatrabaho ngayon kasama ang isa't isa kumpara sa naging proyekto nila noong hindi pa sila mag-asawa.
Sagot ni Dingdong, “Definitely easier except for one scene.”
Paliwanag niya, “Easier because nanggaling kami sa isang love team magmula noong 2007. So, ako naniniwala ako doon sa dynamics ng mag-partner na kung talagang magwo-work 'yan, mag-wo-work 'yan kahit saan mo dalhin. In fact, nag-work din siya pati sa aming personal na buhay na minsan na-a-apply din namin sa aming personal lives as husband and wife.
“For some reason ito yung para sa amin ay pinakamahirap gawin. At yun ay ang…
“Intimate scene,” natatawang sinabi ni Marian.
Ayon sa Primetime Queen, mas nailang pa silang gumawa ng intimate na eksena ngayong mag-asawa na sila.
“Ang hirap kasi kapag example, hindi naman kami magkarelasyon before, pero kailangan namin siyang gawin kasi 'yun 'yung character na hinihingi sa amin ng direktor. Pero ngayon na mag-asawa na kami parang na-o-off kami na…malalaman n'yo kasi kung paano kami as mag-asawa,” natatawang sinabi ng aktres.
RELATED GALLERY: Dingdong Dantes and Marian Rivera keep romance alive with quality time
Ayon pa sa aktres, nagawa naman nila ang halos lahat ng eksena na kailangan sa pelikula maliban nga lang sa isa.
“So parang na-o-off kami na parang [sabi namin], 'Direk, puwede po bang i-dim light na lang po natin?' So ang dami naming requests.
“Sa lahat ng ginawa naming eksena parang go okay kami. Pero doon sa eksena na 'yun, sabi namin, 'Pa'no 'yung kiss mo sa kaliwa ba o sa kanan?' So hindi namin alam ang gagawin. So, tawa kami ng tawa. Sabi namin, 'Shocks nakakahiya 'tong ginagawa natin,” ani Marian.
Ang Rewind ay collaboration movie ng Star Cinema, APT Entertainment, at Agosto Dos Pictures. Ito ay mapapanood sa December 25, kasama ang iba pang entries sa 2023 Metro Manila Film Festival.
Gumaganap sina Dingdong at Marian dito bilang mag-asawa na sina John at Mary na may pinagdaraanang mabigat na pagsubok.
Samantala, napapanood naman ngayon si Dingdong bilang host ng Kapuso weekday game show na Family Feud, at Amazing Earth.
Naghahanda na rin si Marian para sa kanyang pagbabalik-teleserye na My Guardian Alien kasama sina Gabby Concepcion at Max Collins.
Ikinasal sina Dingdong at Marian noong 2014. Sila ay may dalawang anak na sina Zia at Sixto.