
Sa “The Talk 2023 Yearend Special” ng Fast Talk with Boy Abunda ngayong Huwebes, December 28, binalikan ng actor-comedian at TV host na si Boobay ang isang episode ng programa noong Abril, kung saan inatake siya ng absence seizure habang ini-interview ni Boy Abunda nang live.
Ayon kay Boobay, biglaan talaga ang nangyari sa kanya noon. Aniya, “Hindi ko rin talaga inakala kasi biglaan din nangyari, 'yung tinatawag nga po na absence seizure, 'yung bigla-bigla na lang nagha-hang.”
Kuwento ni Boobay, ang naturang absence sizure ay epekto pa rin ng kanyang mild stroke noong 2016.
Aniya, “Mas nag-trigger pa siya, dahil nga dun sa nangyari sa 'kin before na mild stroke, so parang may lamat na raw 'yung brain ko. [Noong] 2016 'yung mild stroke ko ng November. Tapos 'yun ang lumabas. Siguro nangyari na raw pala 'yun dati, hindi ko lang siya pinapansin.”
Iniwasan din umano noon ni Boobay na panoorin ang video kung saan makikita ang pag-atake ng kanyang absence seizure.
“Hindi ako tumitingin 'pag ano, mula sa TikTok, 'di ba? Lagi 'pag sinabi mong 'Boobay,' 'yun agad 'yung lumalabas. Hindi ko s'ya pinapanood.
“Pero 'yun napanood ko na… "Mmm-mmm", ganun pala ako nang ganun [LAUGHS]. Hindi, pero pasensya na, Tito Boy. Hindi ko rin alam ginagawa ko d'yan,” nakangiting sinabi ni Boobay.
Ayon naman kay Boy, ang nangyari kay Boobay ay paaalala sa lahat na alagaan ang sarili.
Aniya, “Isang paalala talaga, Boobay. That we have to take good care of ourselves.”
Dagdag naman ni Boobay, “Pero ang maganda po nun, Tito Boy, nagpapasalamat ako kasi parang...kay Lord lalo, kasi parang naging eye-opener 'yun sa ating mga Kapuso na… Alam mo 'yun, pahalagahan 'yung 'pahinga' na tinatawag.”
RELATED GALLERY: IN PHOTOS: Celebrities and personalities who suffered from stroke and heart disease