
Nagbigay ng babala sa publiko si King of Talk Boy Abunda tungkol sa mga fake news at fake article na kumakalat sa social media kung saan ginagamit ang kaniyang pangalan at programang Fast Talk with Boy Abunda upang makapanloko ng mga tao na mag-invest sa cryptocurrency scam.
Sa “Today's Talk” ng programa ngayong Miyerkules, ipinakita ni Boy ang ilan sa mga fake articles na ginamit ang kaniyang pangalan. Isa na rito ay ang balita na 'di umano'y deleted interview ni Boy sa aktres na si Max Collins na kung saan nagtalo raw ang dalawa on-air dahil hindi makapaniwala ang TV host sa biglaang pagyaman ng aktres dahil sa cryptocurrency.
Ayon sa article, pumayag raw si Boy na mag-invest na rin sa cryptocurrency auto trading program o bitcoin dahil sa pang-eengganyo ni Max. Lumabas ang naturang article sa website na crypto.com kung saan ginamit nito ang interface ng Inquirer.net.
Paglilinaw naman ni Boy, “Hindi po ito totoo. This is fake. This is a big lie.”
Bukod sa naturang article, kumakalat din ang fake news tungkol sa pangki-criticize umano ni Boy sa beauty queen na si Michelle Dee na naglalaman ng link patungo sa cryptocurrency website.
Samantala, may ilan pa umanong kumakalat na fake interview ni Boy kasama ang mga doktor na sina Willie Ong at Alvin Francisco dahil sa gamot na naimbento umano ng mga ito para sa hypertension at iba pang mga sakit.
Muling paglilinaw ni Boy, “Lahat po ng pag-uusap na ito ay hindi totoo. Lahat po ng ito ay fake. Lahat ng po ito ay kasinungalingan at scam.”
Ayon kay Boy, nakakaalarma ang ganitong mga balita dahil maraming tao ang puwedeng maloko at mabiktima ng scam.
Ayon kay Boy, pinag-aaralan na ng legal team of GMA ang mga legal option na puwedeng gawin laban sa mga fake website na ito.
RELATED GALLERY: BEWARE: Celebrities, nagbabala tungkol sa fake social media pages