
Bukod sa pagiging child star, nakilala rin si Ice Seguerra bilang isa sa mga pinakamagaling na singers ng bansa. At ayon sa singer, naging malaking impluwensya sa kamiyang pagkanta ang kaniyang Daddy na si Decoroso "Dick"Seguerra.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, April 23, sinabi ni Ice na isa sa mga namana niya sa kaniyang Dad ay ang hilig nito sa pagkanta. Kuwento pa ng batikang singer, walang bisyo ang kaniyang Daddy kundi kumanta sa mga videoke.
“Ang Daddy ko, hindi talaga siya mabisyong tao. Pero 'yan ang kaniyang chillax time. Pupunta 'yan sa malapit na videokehan sa'min dati sa may Cubao, du'n siya, mag-videoke siya, buong gabi na siya ru'n. Tapos wala, kakanta lang siya ng kakanta,” sabi ni Ice.
Bukod sa kaniyang ama, marunong din kumanta umano ang kaniyang Mom na si Caridad "Caring" Yamson-Seguerra ngunit ang “kapal ng mukha sa pagkanta, it's my Dad.”
“Kasi pag kumanta na 'yan, kung ako madamot, siya talaga nuknukan, kakaniyahin niya talaga 'yung mic,” sabi ni Ice.
Ngunit ayon kay Ice, kahit magaling na singer at bihasa sa videoke ay hindi siya na-mentor ng Dad niya, at sinabing madalang din ito magkomento sa kaniyang pagkanta.
“Mas ma-comment si Mama, pero kahit nga hindi ako, kino-commentan ng nanay ko e,” sabi niya.
“Pero ang kay Daddy naman, siguro ang namana ko sa kaniya, si Daddy, kahit saan mo siya ilagay, kung gusto niyang kumanta, kakanta 'yan. 'Yung pagkakalog, siguro 'yung sense of humor nakuha ko sa tatay ko,” pagpapatuloy ni Ice.
BALIKAN ANG MGA PINOY SINGERS NA NAKILALA SA KAPUSO SINGING CONTESTS SA GALLERY NA ITO:
Gaya ng kaniyang Dad, mahilig din si Ice mag-videoke. Ika nga niya, “chill time” niya ang pagvivideoke at madalas, dito niya nakakanta ang mga awitin na hindi naririnig sa kaniyang concerts.
“Dito ko minsan kinakanta 'yung from Broadway to rock, to very dance-pop na mga kanta,” sabi niya.
Natatawang inamin din ni Ice na madamot siya sa mic kapag hawak na niya ito at madalas niloloko siya ng mga barkada niya tungkol dito.
“Madamot ako sa mic. 'Pag nakahawak na 'ko ng mic, wala nang bitawan 'yan. As in sasabihin ng mga barkada ko, 'Parang hindi ka singer a? Kating-kati ka kumanta,'” sabi niya.
Dagdag pa ng seasoned performer, “Hindi pinopormahan, hindi mo kailangan isipin 'yung gusto ng audience. Parang du'n ako free. Kung pumiyok ako habang kinakanta ko si Ate Reg (Regine Velasquez), okay lang, kasi kami-kami lang e.”