
Pinangalanan ng batikang actor-director na si Edgar “Bobot” Mortiz ang mga komedyanteng gusto niyang makasama sa kaniyang dream comedy project.
Sa isang pambihirang pagkakataon, bumisita sa Fast Talk with Boy Abunda noong Lunes, si Direk Bobot.
Sa kanilang kuwentuhan ni King of Talk with Boy Abunda, napag-usapan nila ang kung sino ang gusto niyang isama sakaling gumawa siyang muli ng isang comedy show.
Sagot niya, “Syempre 'yung mga sigurado ko na, of course dito, si Michael V 'di ba? Tapos si Bossing. Sa kabila naman, nandyan sina Vice [Ganda] at Vhong [Navarro].”
Matatandaan na nabanggit na rin nina Michael V at Vice ang kanilang dream collaboration nang magkita sila sa GMA Gala 2023.
Bukod naman sa tatlong superstar comedians, isang batang komedyante pa ang binanggit ni Direk Bobot.
Aniya, “Ang gustong-gusto ko kasi bago, parang puwede diyan si Iggy Boy, si Iggy Boy Florez na nanggaling sa [Goin'] Bulilit.”
Kilala si Direk Bobot dahil sa kaniyang mga pinasikat na comedy programs gaya ng Tropang Trumpo, Goin' Bulilit, at ang recent project nila ni John Lloyd Cruz na Happy ToGetHer na napanood sa GMA.
Sa “Fast Talk” segment, tinanong naman ni Boy si Direk Bobot kung paano niya ilalarawan ang Philippine Comedy ngayon. Sagot niya, “Hindi alam kung saan pupunta.”
Hindi naman naipaliwanag pa ni Direk Bobot ang ibig sabihin niya rito. Pero panayam sa kaniya ni Boy, sinabi niya na ang mga nangyayari sa totoong buhay ay ang mga bagay na tunay na nakakatawa.
Samantala, balik-recording na rin si Direk Bobot sa kaniyang album na pinamagatan niyang “Goin' Standard.” Laman ng nasabing album ang kaniyang classic songs. Mapapakinggan din ito sa lahat ng music streaming platforms.