
Game na ikinuwento ng celebrity couple na sina Rocco Nacino at Melissa Gohing sa Fast Talk with Boy Abunda ang kanilang nakatutuwang love story.
Kuwento ng dalawa sa King of Talk na si Boy Abunda, una silang nagkita nang maimbitahan noon si Rocco na manood ng isang volleyball game kung saan player noon si Melissa.
Ayon sa dating volleyball athlete na si Melissa, hindi niya masyadong napansin noon si Rocco. Kabaligtaran naman ito sa naramdaman ng aktor.
“Ako 'yung may spark,” nakangiting sinabi ni Rocco.
Paliwanag niya, “Being someone who is very active and also into sports…Turn on sa akin 'yung very athletic and I saw that leader in her, tapos team captain pa siya. Kaya talagang iba 'yung paghanga ko sa kaniya. Unang nangibabaw 'yung paghanga tapos respeto and then biglang, 'Uy gusto ko siya.' Tapos nag-message na ako sabi ko, 'Hi.'”
Pero hindi rin daw naging madali ang panliligaw ni Rocco noon kay Melissa dahil parang kaibigan lang talaga ang tingin nito sa kaniya noong una.
Aniya, “I took me a while kasi bino-“bro” niya ako.”
Depensa naman ni Melissa, sadyang sanay lamang siya na magkaroon ng mga kaibigang lalaki kaya hindi niya agad binigyan ng kahulugan ang mga pagbibigay motibo noon ni Rocco.
“No, kasi I have a guy best friend. So I'm used to be friends with the guys so, 'Yeah dude.' Hindi ko siya nilagyan ng meaning kasi sanay ako na maraming guy friends,” ani Melissa.
Paglalahad pa ni Melissa, diretsahan niyang sinabi noon kay Rocco sa kanilang unang date na seryosong relasyon ang hinahanap niya at hindi playtime boyfriend.
Aniya, “Sa first date namin sabi ko sa kaniya, I'm looking for a husband not just a play by play boyfriend, I told him na diretso kasi that time I was too busy and everything was doing right in my career.”
Ayon naman kay Rocco, tamang-tama rin ang panahon ng pagdating ni Melissa sa kaniyang buhay noon.
“No'ng time na 'yun I was done looking for myself. I was single for more than a year. So doon ko nasabi na maybe ready na ako, kung sino ang makilala ko and okay lahat let's see how it goes,” anang aktor.
Kuwento pa ni Melissa, marami siyang ginawang tests noon kay Rocco. Sa kanilang unang date, niyaya niya ito manood ng play na Wicked, at kung maglabas ito ng cellphone habang nanonood ay iiwan niya ito, pero hindi raw ito nangyari dahil nakatutok si Rocco sa panonood. Dito na raw nagka-spark si Melissa sa aktor.
Aniya, “Alam mo 'yung connection sa movies, we had that.”
Bukod dito, nag-travel din daw noon sina Rocco at Melissa sa Tokyo, Japan, kung mas nakilala nila ang isa't isa.
“I think he's the one, napaganun ako. I think siya na talaga e. Like I will not find another man like him na sobrang same kami, same wavelength. Hindi kami nag-away a, that was a two-week trip. And usually 'di ba 'yun 'yung challenge nila e, you want to know kung siya na ba? Mag-travel kayo tingnan natin kung mag-aaway kayo pero hindi kami nag-away talaga,” kuwento ni Melissa.
Dagdag pa niya, “We are both competitive people. Sobrang competitive namin. He's like the guy version of me.”
Pero dahil artista ang kaniyang nobyo pa noon na si Rocco, pina-background check pa raw noon ni Melissa ang aktor, at dito niya na rin napatunayan ang pagiging mabuting tao nito.
“The first few years of our relationship medyo I had to adjust. I had to ask a friend to background check him. Okay naman. I mean meron siyang past but he's a good man, a good son ayun talaga e,” ani Melissa.
Noong 2021 ikinasal sina Rocco at Melissa. October 2022 naman ng isilang ang kanilang first baby na si Ezren.
Sa ngayon, pareho na ring Kapuso stars sina Rocco Nacino at Melissa Gohing dahil pumirma na rin sa Sparkle GMA Artist Center ang huli noong May 16 sa grand Signed for Stardom event.
IN PHOTOS: The beautiful #LifeWithTheNacinos, the family of Rocco Nacino and Melissa Gohing