
Muling nag-sorry ang sexy actress na si Diana Zubiri sa dating alkalde ng Mandaluyong at ngayon ay Department of Interior and Local Government Secretary na si Benjamin “Benhur” Abalos Jr. dahil sa kaniyang naging kontrobersyal na FHM shoot noong 2002.
Sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Martes, July 23, binalikan ni Diana ang kaniyang ginawang sexy flyover shoot para sa FHM na sinita noon ng Mandaluyong ex-mayor na si Benjamin.
Ayon kay Diana, pumayag lang talaga siya na gawin ang nasabing sexy shoot para magkaroon siya noon ng cellphone.
Kuwento niya, “Ang story po noon wala kasi akong cellphone so parang ang sabi sa akin, 'Kaya mo ba 'yung ginawa ni Aubrey [Miles] doon sa shoot na hindi pinalabas?'... Pero gagawin daw sa Manila kasi wala na kami sa Bohol. Sabi ko. 'Sige basta bigyan n'yo ako ng cellphone.'”
Pero marami raw ang nagtaas ng kilay at nagreklamo sa nasabing FHM shoot na kinunan sa EDSA flyover, kabilang na nga ang kasalukuyang Mayor noon ng Mandaluyong na si Benjamin.
Nagkaroon pa ito ng hearing noon pero hindi na itinuloy ang kaso nang magbigay ng apology si Diana.
Paglalahad ni Diana, “Pero alam n'yo hindi ko siya na-meet, si Mayor Abalos… sa hearing. Parang alternate lang kami.”
Mensahe naman ni Diana sa dating alkalde, “To Mayor Abalos, forever po akong thankful at sorry na.”
Kasama ni Diana na bumisita sa Fast Talk with Boy Abunda ang kapwa niya FHM cover girls noon na sina Maui Taylor at Aubrey Miles. Ito raw ang kauna-unahan nilang TV interview na magkakasama.
Samantala, muli namang mapapanood si Diana Zubiri sa seryeng Mga Batang Riles sa GMA.
RELATED GALLERY: Diana Zubiri, Maui Taylor, at Aubrey Miles, binalikan ang sexy calendar na ginawa nila noon