
Bilang isang ina, ano nga ba ang masasabi ng batikang aktres na si Coney Reyes sa buhay pag-ibig ng kaniyang anak at Pasig City mayor na si Vico Sotto?
Sa Fast Talk with Boy Abunda, game na nakipagkuwentuhan si Coney sa King of Talk. Dito ay napag-usapan nila ang papel niya sa love life ng anak na si Vico.
Ayon kay Coney, hindi na siya nakikialam ngayon pagdating sa pakikipagrelasyon ng kaniyang anak.
Kuwento niya, “Hindi ako nakikialam. Mayroong mga gusto 'Tita, ipakilala natin si ganito si ganyan.' Sabi ko, 'Sorry 'di ako nakikialam.' Tapos sasabihin nila, 'Ang strict ni Tita.' Ay hindi sa strict! Hindi ako strict, kung strict ako e 'di bawal.”
Ayon pa sa aktres, tumigil na siyang magtanong sa kaniyang anak tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa kasintahan o sa pag-aasawa.
Aniya, “Noong araw ginagawa ko, 'Do you have a girlfriend na? Do you like somebody?' Noon 'yon. Ayoko na.”
Dagdag pa niya, “He had girlfriends, friends, mga classmates niya before, mga ganiyan and they will all go out as a group. You know they will go out something like that for a break. Pero hindi naman kasi ako ano e, alam ko na I've raised my children in a way na they know that they have a fear of God. They know what they are doing.”
Si Vico ay anak ni Coney sa batikang actor-comedian at host na si Vic Sotto.
Samantala, mapapanood naman si Coney sa Philippine adaptation ng GMA sa Korean series na Shining Inheritance kasama sina Kate Valdez, Kyline Alcantara, Michael Sager, at Paul Salas. Ipapalabas ito simula September 9 sa GMA Afternoon Prime.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4 p.m. sa GMA Afternoon Prime.
RELATED GALLERY: IN PHOTOS: The sweetest photos of Coney Reyes and son Vico Sotto