
Kamakailan lang ay pumirma na ng kontrata ang Korean actor na si Kim Ji Soo bilang isa sa mga pinakabagong international stars ng Sparkle GMA Artist Center. Ngayong isa na siyang ganap na aktor sa Pilipinas, kailangan ay matuto at mag-aral na rin siya ng Tagalog.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, September 27, ay tinuruan ng host na si Boy Abunda si Ji Soo ng ilang tagalog words para umano mapadali ang pakikipag-usap niya sa mga katrabaho, at ang pagtira niya pansamantala sa bansa.
Ngunit bago pa man naturuan ng batikang host si Ji Soo ay pinabilib na siya nito ng kaniyang galing sa pagsasalita ng Tagalog.
“Hindi pa po ako magaling pero nag-aaral ako ng Tagalog pakonti-konti,” sagot ni Ji Soo nang tanungin siya kung marunong ba siyang mag-Tagalog.
MAS KILALANIN PA SI KIM JI SOO SA GALLERY NA ITO:
Pagkatapos nito, unang tinuro ni Boy ang mga katagang “Ang ganda ni Tiyang Susan,” na nasabi naman ng Korean actor nang tama.
Pinabilib din ni Ji Soo ang batikang talk show host nang sambitin niya ang mga katagang “Wala na bang tawad 'yan?” Ayon pa kay Boy, nagustuhan niya kung papaano sinabi ng Korean actor ang mga kataga.
Nagbigay rin si Boy ng isang sitwasyon kung saan trapik umano, at muntik na ma-late si Ji Soo sa kaniyang interview sa show.
Sabi ng Korean actor, “ Boy, ang trapik naman, nakakaloka!”
Nahirapan man si Ji Soo sa salitang “trapik” ay napabilib pa rin niya si Boy sa tatas niya sa pagta-Tagalog.
Sa huli ay binigyan ni Boy ng tongue twister si Ji Soo, at sinabihan ito na panggitin ang “Pasko, Paksiw” nang maraming beses at mabilis. Sabay nilang ginawa ang challenge na ito at napatunayan ng Korean aktor ang galing at unti-unting pagbuti ng kaniyang pagta-Tagalog.