
Kilala bilang isa sa mga pinakamagagaling na aktor ngayon ang Lilet Matias: Attorney-at-Law actress na si Maricel Laxa. Ngunit bukod sa pagiging aktres, kilala rin siya bilang ina at manager ng young actor na si Donny Pangilinan.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, October 15, kinumusta ni Boy Abunda kung papaano si Maricel bilang isang ina at manager kay Donny.
Kuwento ni Maricel, ay nagtayo sila ng asawang si Anthony Panglinan ng isang kompanya para ma-manage ng maayos si Donny at iba pa nilang mga anak.
Ani Maricel, “Sa umpisa pa lang, meron na kaming kontrata bilang manager niya. Kami ng kompanya namin. So we formed the company para lang ma-manage namin ng maayos si Donny at 'yung mga anak namin. It's an official corporation so there are guidelines and rules of conduct. May kontrata kami, klaro du'n lahat ng usapan.”
Ilan sa mga pinag-usapan nila ni Boy ay kung papaano hina-handle ang pera. Ayon kay Maricel, lagi naman silang flexible bilang management company nila Donny, at meron umanong clear parameters sa kontrata ukol dito.
“There are clear about those parameters na sila na mismo 'yung nagsasabi, 'This is clear.' Hindi na nila kinukwenta 'yun na part pa ng earning nila kasi from the very start, nakahiwalay na 'yun e,” sabi ni Maricel.
Dagdag pa ng aktres, “At saka sila pa rin nga 'yung gustong tumulong sa company nang walang bayad. So it's a family effort.”
KILALANIN ANG MGA CELEBRITIES NA MANAGERS DIN SA GALLERY NA ITO:
Pagdating naman sa pagpili ng projects, nilinaw ni Maricel na “it's never about the money” pagdating dito, at sinabing number one supporter siya ni Donny at ng mga anak niya kapag may gusto silang gawing proyekto.
Sinabi rin ni Maricel na hindi pa nila napag-uusapan ang tungkol sa loveteams ngunit sinabi niyang fan siya ng DonBelle, ang tambalan nina Donny Pangilinan at Belle Mariano.
Tungkol naman sa kung nangingialam ba siya sa personal life ni Donny bilang isang manager at parent, ang sagot ni Maricel, “So we manage him but we don't own him. That's very clear.”
“We are just taking care of him, we're helping take care of what he has so that he can be better at what he's doing to help other people,” pagpapatuloy ng aktres.
Tinanong rin ni Boy kung paano nila inaayos ang conflicts pagdating sa trabaho, opinions, at mga kaibigan. Ayon kay Maricel, pagdating sa trabaho, nilinaw niya na may say pa rin ang artist, ngunit manager ang masusunod. Ngunit bilang isang magulang, depende umano sa edad ng kaniyang mga anak.
“Pagdating sa pagiging magulang, 'pag bata 'yung anak mo, minor, ang magulang ang masusunod. 'Pag adult na 'yung anak mo, siya rin ang masusunod, pero siya rin ang haharap ng responsibilidad sa consequences ng action niya,” sabi ni Maricel.
Sa ngayon, masasabi ni Maricel na masaya siya sa career ngayon ng kaniyang anak.