
Para kina Paolo Contis at Kokoy de Santos, isang blessing at pribilehiyo ang mapasama sa longest-running gag show na Bubble Gang na magdiriwang ngayong linggo ang kanilang 29th anniversary.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, November 14, ay inalala ni King of Talk Boy Abunda ang pagiging parte ni Paolo ng programa ng maraming taon. Ani ng aktor, may 15 to 18 taon na siyang nasa Bubble Gang.
“Ako, it's a privilege to be part of the show. Hindi ako buong 29 years nasa Bubble e, if I'm not mistaken 15 to 18 years na 'ko,” sabi ni Paolo.
Pagpapatuloy pa ng aktor, “It is, it is a long time, I've learned a lot thanks to the creatives and Kuya Bitoy (Michael V). Ang laking bagay niya sa confidence, ang laking bagay niya sa career. Household name na ang Bubble Gang e, so I'm very lucky that I'm still in the show.”
TINGNAN ANG MUNTING PASILIP SA NALALAPIT NA 29TH ANNIVERSARY SPECIAL NG 'BUBBLE GANG' SA GALLERY NA ITO:
Samantala, blessing naman para kay Kokoy de Santos ang mapabilang sa naturang comedy show. Kahit aminadong hirap na silang magpatawa minsan, patuloy pa rin nilang ginagawa at nag-a-adapt para mapasaya ang kanilang mga manonood.
Nang tanungin naman siya ni Boy kung ano ang nagawa ng Bubble Gang para sa kanya, ang sagot ni Kokoy, “Laking bagay, Tito Boy, lalo na sa karera.”
“Kahit saan ako ngayon magpunta, nasa 'kin, kumbaga kadikit na ng pangalan ko, laging nababanggit, Bubble Gang,” sabi ng aktor.
Pag-alala ni Kokoy, “Lagi kong sinasabi sa mga tropa ko, lalo na 'pag kasama ko sila, kung saan-saan kami pumupunta, 'Grabe no, talagang ano ka sa Bubble Gang, e.' Ewan ko, parang iba 'yung feeling kapag nababanggit sa labas na parte ako ng Bubble Gang.”
Sabi pa ng aktor, sa Bubble Gang lang niya nalaman na magaling pala siya sa comedy matapos gumawa ng maraming dramatic roles. Aniya, naging malaking tulong ang script, writers, at creative director para magawa niya nang tama ang comedy.