
Isa ang aktres na si Desiree del Valle sa main cast ng hit '90s teen-oriented show na 'Tabing Ilog.' Isang hindi malilimutang eksena ng aktres ay nang sampalin niya ang kaeksena at dating ka-love team na si Paolo Contis na sa sobrang lakas ay napasigaw ng 'cut' ang aktor.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, December 17, binalikan ni King of Talk Boy Abunda ang minsang hindi pag-uusap at pagpapansinan nina Desiree at Paolo noon.
Pag-alala ng aktres, magkaaway sila noon nang sa isang eksena nila bilang mga karakter nilang sina Corrinne at Badong, ay nasampal niya ng sobrang lakas si Paolo.
“There was actually a scene that we were fighting as Corrinne and Badong so I slapped him and sobrang sakit, nagpa-cut siya. Sabi niya, 'Cut, cut,' kasi sobrang sakit ng sampal ko, hindi niya kinaya....Oo, kasi galit ako, galit kami,” kuwento ng aktres.
Nilinaw naman ni Desiree na okay na sila ngayon at katunayan, noong matapos ang Tabing Ilog noong 2003 ay nagkatrabaho pa uli sila.
TINGNAN ANG CELEBRITIES NA NAGKAROON NG ALITAN NOON NA NAGKAAYOS RIN KALAUNAN SA GALLERY NA ITO:
Binalikan din ng batikang host ang ibang co-stars ni Desiree at Paolo nang tanungin niya iba't ibang katangian nila. Sabi ng aktres, sa alaala niya ay laging late si Patrick Garcia na sa isang pagkakataon na hindi makita ng aktor ang location ng shoot, ay umuwi na lang.
Si Patrick rin umano ang pinaka lapitin ng girls habang si Paolo naman ang nanligaw sa kaniya.
Pagpapatuloy pa ni Desiree, “Pero 'yung kung gusto mo ng good conversation, it was John Lloyd (Cruz). Tapos siyempre ang pinaka-funny was Paolo (Contis) and Baron (Geisler) was all over the place.”