
Ayon kay The Boobay and Tekla Show host na si Super Tekla, may mangilan-ngilan pa ring nagdududa sa kaniyang gender identity.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes (February 7), tinanong siya ni King of Talk Boy Abunda kung meron pa ring iilan na nagdududa kung straight ba talaga si Super Tekla, lalo na't madalas siyang magdamit pambabae tuwing lumalabas sa TV o nagpe-perform sa mga events.
“May mga mangilan-ngilan. Sabi, 'Ano ba talaga ang identity mo?' Dati kasi Tito Boy, naging parang ano ako, lalaki, para akong mag-aayos ng aircon. Alam mo 'yung ganun?” sabi ni Tekla.
Ngunit ayon sa kaniya ay hindi ito umubra para sa kaniya bilang performer at sa halip ay mas naguluhan pa umano ang mga manonood kung isa ba talaga siya sa mga performers.
“'Yung nag-dress up ako ng girl, lumabas 'yung character ko, so in-embrace ko 'yun pero I'm totally [a] guy, straight,” sabi ng komedyante.
Samantala, sa isang episode ng Sarap, 'Di Ba? noong February 2024 ay ibinahagi naman ni Tekla na nagbibihis siya bilang isang babae para sa kaniyang karakter dahil kinailangan niyang maging “madiskarte” sa entertainment industry.
“Ina-adapt ko na lang siya, kasi kailangan mong maging madiskarte rito... Kung kailangan mong sumabay, kung saan ka, wala namang masasagasaan. You have to build your character, you have to build your own identity na ikaw 'yan,” saad niya.
Sa katunayan, nakabihis-lalaki siya sa normal na buhay o kapag hindi nagpe-perform. Sinabi rin niyang isa siyang ama sa tatlo niyang anak, kabilang na ang isang teenager na si Aira.
BALIKAN ANG MGA TAGUMPAY AT PAGSUBOK NA PINAGDAANAN NI SUPER TEKLA SA GALLERY NA ITO: