
Hindi itinanggi ng komedyanteng si Alex Calleja na nasaktan siya sa akusasyon na ninakaw niya diumano ang car wash joke na pinerform niya sa isang show.
Binalikan ng stand-up comedian ang naturang isyu nang mag-guest siya sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, February 20.
“Masakit 'yung salitang nakaw eh, nakarating 'yon sa anak ko. Nakaw talaga 'yung word na iniiwasan namin, puwedeng 'uy may similarity tayo,' puwedeng in a nice way eh,” sabi ni Alex.
Pagpapatuloy pa ni Alex, pwede naman sanang napag-usapan na lang muna ang isyu lalo na at hindi biro ang akusyasyong pagnanakaw.
Matatandaan na isang comedy writer ang nag-akusa kay Alex ng pagnanakaw diumano ng “car wash” joke. Napatunayan naman ni Alex na siya ang nagsulat ng materyal at humingi na ng tawad ang naturang writer.
Tinanggap naman ito ng stand-up comedian sa inilabas niyang pahayag ngunit kaakibat nito ang isang babala tungkol sa cyber libel mula sa kaniyang legal counsel.
Aminado naman si Alex na madalas itong nangyayari kaya naman nagbigay siya ng paalala na dapat ay “huwag kopyang-kopya. Huwag word by word, mahirap 'yon. Nakaw talaga 'yon.”
Sinabi rin ng komedyante na hindi malayong magkaroon kg kaparehong premise ang isang joke. Ngunit para maiwasan ang pagkakapareho ng mga ito ay dapat iba ang mga linyang gagamitin papunta sa punchline.
“Pero 'yung daplisan, premise, because madami ng premise, OK lang 'yon. Kapag daplisan ng premise, meaning pareho kayong nagbitaw ng car wash pero iba naman 'yung wording-wording, 'yung delivery,” sabi ni Alex.
Pagpapatuloy ng komedyante, “Kasi ano 'yan eh, ang laki ng mundo eh, may madadaplisan talaga pero iniiwasan namin ang salitang nakaw.”
Panoorin ang naging panayam kay Alex dito: