
Ibinahagi ng Brazilian model at actress na si Priscilla Meirelles ang kaniyang weightloss journey at ang paglaban niya sa endometriosis nang bumisita siya sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, February 28.
Pag-amin ni Priscilla ay marami siyang pinagdaanan sa loob ng nakaraang dalawang taon, kabilang na ang laban niya sa endometriosis. Isa itong chronic condition kung saan may tumutubong tissues sa labas ng uterus, dahilan para magkaroon ng pelvic pain ang isang babae.
“One of the realizations that came to me is that kailangan ko na talaga bumalik sa dating ako," ani Priscilla na sumailalim na din sa surgery procedure para matanggal ang cyst sa kaniyang abdominal area.
Sa kabila nito, marami umanong naituro kay Priscilla ang karanasan na ito, kabilang na ang pagpili ng masustansiyang pagkain. “I decided na tatanggalin ko lahat ng mga pagkain na hindi maganda sa katawan ko,” ani Priscilla.
Ayon pa kay Prisicilla, ilan sa mga tinanggal niya sa kaniyang diet ay ang processed sugar, carbs na hindi galing sa lupa, at lahat ng dairy foods na ilan sa mga triggers ng kaniyang endometriosis.
“And then po, babalik ako sa work out routine. So during that time when I was having that condition, that actually last from almost five years po, I couldn't work out. So nag-decide ako na babalik ako sa work out routine ko and then the workout routine that I do po, I really went back to weight lifting,” sabi ng aktres.
Kuwento ni Priscilla ay sa unang tatlong buwan ay 40lbs na ang nawala sa kaniya at ngayong ika-pitong buwan, umabot na ng 45lbs. “I think that's the limit na,” aniya.