
Gaya ng marami, ikinagulat din ni Kapuso First Lady of Primetime Sanya Lopez ang paghihiwalay ng kaniyang kapatid na si Jak Roberto at Barbie Forteza matapos ang pitong taon. Ngunit aniya, nandito lang siya para makinig kapag handa na silang magsalita at mapag-usapan ang mga bagay-bagay.
Sa pagbisita ni Sanya Lopez sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, March 28, hiningan siya ni King of Talk Boy Abunda ng reaksyon tungkol sa naturang hiwalayan.
“Totoo lang po, Tito Boy, nagulat din ako nu'ng ano kasi hindi ko na ine-expect na mangyayari pa 'yun e, kasi ang tagal na nila, seven years? Hindi na rin po biro 'yung seven years, hindi ko na ine-expect 'yun,” saad ni Sanya.
BALIKAN ANG ILAN SA CELEBRITY BREAKUPS NA IKINAGULAT NG MARAMI SA GALLERY NA ITO:
Ngunit aniya, kung ano man ang naging desisyon nina Jak at Barbie ay sila na lang ang nakakaalam kung bakit. Wala pa siyang nakakausap kahit isa sa dalawa, ngunit sinabi ni Sanya na posible pa rin siyang kausapin ng mga ito.
“Yes po, nandito pa rin ako. Ang hirap kasi kaibigan ko si Barbie, kapatid ko si Kuya, so hindi ko rin alam 'yung kwento nila pareho pero nandito ako as kaibigan at as kapatid,” sabi ng aktres.
Dagdag pa ni Sanya ay bilang kapatid ay nandito lang siya para suportahan at makinig kay Jak, pero nilinaw din niya na hindi siya manghihimasok sa relasyon niya kay Barbie.
“Ganu'n po ako lagi, kung mag-o-open ka sa'kin, ready po ako para makinig sa'yo. Hanggang doon lang po, Tito Boy. Right now, hinahayaan ko siya kung kailan siya ready. Same with Barbie, kung kailan lang din siya ready,” sabi ng aktres.
Para kay Sanya, hindi na rin naman na iba sa kaniya si Barbie dahil bukod sa kaibigan niya ito, iba na rin ang closeness nilang dalawa dahil sa pitong taon na relasyon nito sa kaniyang Kuya.
Matatandaan na noong January 2 ginulat ni Barbie Forteza ang lahat nang ianunsyo niya na hiwalay na sila ni Jak Roberto matapos ang pitong taon. Hindi na nagbigay pa ng detalye ang aktres sa dahilan ng kanilang hiwalayan, ngunit hiniling nito ang respeto mula sa mga tao.