
Kilala bilang female rock icons sina Barbie Almalbis at Lougee Basabas dahil sa kanilang kontribusyon sa iba't ibang genre ng rock sa Pilipinas.
Pero bukod doon, kilala din sila sa pagpasok nila sa political at showbiz families ng mapanagasawa nila sina Martin Honasan at Ali Alejandro.
Si Martin, na asawa ni Barbie, ay anak ni dating Senator Gregorio “Gringo” Honasan. Samantalang si Ali, na asawa ni Lougee, ay anak ng yumaong OPM icon na si Hajji Alejandro.
Sa pagbisita nina Barbie at Lougee sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, June 18, tinanong ni King of Talk Boy Abunda kung kamusta ang pagpasok nila sa mga kilalang pamilya ng kani-kanilang mga asawa.
Saad ni Lougee, “I think it's just like a normal family. It's just that, siyempre, when the cameras are on, they are like they're times 10, it's on. But when the cameras are off, it's just a normal, loving family.”
Maganda rin umano ang naging relasyon niya kay Hajji bago ito pumanaw. Ayon kay Lougee, kind, loving, at sobrang generous na tao ng kanyang father-in-law.
TINGNAN ANG ARTISTIC FAMILY NI BARBIE ALMALBIS SA GALLERY NA ITO:
Maganda rin naman umano ang naging relasyon Barbie sa pamilya ng asawa niyang si Martin. At dahil kilalang pamilya ng mga pulitika ang pamilya ng asawa, tanong ni Boy sa kaniya, “Hindi ka ba nahikayat na pumasok sa pulitika?”
Pag-amin ni Barbie, noong high school ay naging Sangguniang Kabataan chairman siya, ngunit hindi na siya muling sumubok pa na pumasok uli sa pulitika.
Aniya, “I was just like 'I don't think I'm for politics.' I wanna serve in my own way, but maybe through music.”
Nang tanungin naman sila ng batikang host kung seloso ba ang mga asawa nila, Sagot ni Lougee, “No.”
Habang sinabi naman ni Barbie na seloso si Martin “In a good way.”