
Marami raw ang nagbago kay Shuvee Etrata mula ng maging bahagi siya ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition.
Sa pagbisita ni Shuvee, kasama ang ka-duo niya na si Klarisse De Guzman, sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, June 26, ibinahagi ng Island Ate ng Cebu kung ano ang nadiskubre niyang kaya pala niya gawin.
“Kaya ko po pala magmahal. With all the trauma that I've experienced, Tito Boy, parang naramdaman ko po na mataas 'yung walls ko,” sabi ni Shuvee.
Sa loob ng bahay, natutuhan daw ni Shuvee mag-compromise, makiramdam, at makisama sa kanyang kapwa housemates. Natutuhan din ng ng aktres ang tumanggap ng pagmamahal.
Kinamusta rin ni King of Talk Boy Abunda ang lagay ng puso ni Shuvee.
Matatandaan na sinundo ni Anthony Constantino ang kapwa Sparkle talent nang ma-evict sila ni Klarisse mula sa bahay ni Kuya.
BALIKAN ANG STUNNING PHOTOS NI SHUVEE BILANG ISANG ISLAND GIRL SA GALLERY NA ITO:
Sa panayam kay Shuvee at sa kapwa ex-housemates ng GMA Integrated News Interviews noong Biyernes, June 20, ibinahagi ng una na nanliligaw na si Anthony sa kaniya bago pa man siya pumasok ng bahay ni Kuya.
Kaya naman, ngayong nasa labas na siya, deretsahang tanong ng batikang host, “Pero ngayon na nakalabas na kayo ng bahay, deretsahang tanong, kayo na ba o hindi?”
Ani Shuvee, “Hindi pa po.”
Pagsegunda ng tanong ni Boy, “One to ten, nasaan?”
Sagot ng Sparkle star, “Siguro mga seven, six. Sige, seven. I'm really grateful for him, Tito Boy. [He's] super nice, super nice. He was there before nag-PBB po ako.”
Nang tanungin naman siya ni Boy kung nag-I love you na ba sa kaniya si Anthony, sinabi ni Shuvee na hindi pa, at inaming masyado pang maaga para doon.