Paolo Contis, may hiling para sa 'Bubble Gang'

Sinabi ng actor-comedian at Eat Bulaga host na si Paolo Contis sa Fast Talk with Boy Abunda na hiling niya na tumagal ng 25 taon pa ang kinabibilangang Kapuso comedy gag show na Bubble Gang.
Sa muling pagsalang ni Paolo sa “Fast Talk” kasama si Boy Abunda, tinanong siya ng batikang TV host kung ano ang hiling niya para sa Bubble Gang.
Sagot naman niya, “Humaba pa ng twenty five years pa.”
Kung meron naman umanong natutunan si Paolo sa original at main cast member ng nasabing programa na si Comedy Genius Michael V., ito ay ang, “Professionalism.”
Kamakailan ay inanunsiyo na rin na mula sa Friday night timeslot, lilipat na sa Sunday night ang pag-ere ng Bubble Gang kasama ang bagong cast members nito kabilang na sina Buboy Villar at Cheska Fausto.
Kasama ni Paolo ang dalawa na nakipagkulitan kay Boy sa July 6 episode ng Fast Talk with Boy Abunda.
Ayon sa Sparkle actress na si Cheska, wala siyang ibang in-expect sa pagpasok niya sa Bubble Gang kung di ang mag-enjoy.
Aniya, “Well honestly po Tito Boy, 'yung masaya lang and 'yun din po 'yung nangyari, sobrang comfortable and masaya lang sa taping and kasama sila.”
Masaya rin si Buboy na maging regular cast ng comedy program matapos ang mga naging guestings niya rito.
Kuwento ni Buboy, “Bago pa lang po akong gang actually pero matagal na po akong sumusuporta sa Bubble Gang kasi nag-ge-guest na rin po ako dati so ngayon legit na po.”
Paglalahad naman ni Paolo, magandang addition sina Buboy at Cheska sa pamilya ng Bubble Gang dahil sa talento nila na sakto para sa programa.
Aniya, “Kaya nakuha namin si Buboy at saka si Cheska because dalawa sila sa pinaka-talented when it comes to comedy. Maaasahan mo si Buboy, and si Cheska magaling in fairness to her.”
BALIKAN ANG MASAYANG PHOTOSHOOT NG BUBBLE GANG CAST MEMBERS SA GALLERY NA ITO:











