Boy Abunda, sumalang sa 'Fast Talk' kasama si Jessica Soho

Sa huling araw ng kaniyang week-long birthday celebration sa Fast Talk with Boy Abunda, ang host nito at King of Talk na si Boy Abunda naman ang sumalang sa nakakatarantang “Fast Talk” kung saan ang multi-awarded journalist na si Jessica Soho ang nagsilbi niyang interviewer.
Sa nasabing episode, game na umupo si Jessica sa iconic red chair ni Boy, hawak ang “Fast Talk” cards at questionnaires.
“Pangarap ko 'to 'yung tinatapon 'yung cards,” pabirong hirit ni Jessica bago i-hot seat si Boy.
Isa sa mga nakatutuwang tanong ni Jessica kay Boy ay, “Titig ni Dingdong [Dantes] o titig ni Dennis [Trillo]?”
Saglit naman na napaisip si Boy at natatawang sinabing, “Titig ni DenDong.”
“Mas maganda, si Marian [Rivera] o ikaw?” sunod na tanong ni Jessica.
“By 2 points, si Marian,” sagot naman ni Boy.
“Kailan ka huling kinilig?” tanong pa ng batikang journalist.
“No'ng nagsayaw kami ni Dennis Trillo,” masayang sagot ni Boy.
Saglit naman na naging seryoso ang mga tanong ni Jessica kay Boy. Isa na rito ay ang, “Bagay na ikinakatakot mo?”
Sagot ng TV host, “Na I get lost, na mawala ako. Sana mas luminaw pa ang pananaw ko. Sana hindi mawala 'yung sense ng what is right and what is wrong.”
Sa huling bahagi ng "Fast Talk", sinagot din ni Boy ang mga tanong na lagi niyang itinatanong sa kaniyang guests.
“Lights on or lights off?” ani Jessica.
“On, para magkakitaan,” proud na sinabi ni Boy.
“Happiness or chocolates,” tanong pa ni Jessica.
“Happiness,” tugon ni Boy.
“Best time for happiness?”
“Umaga, madaling araw,” nakangiting sagot ni Boy.
Nang tanungin naman ni Jessica kung ano ang birthday wish ni Boy, makahulugan ang naging sagot ng batikang TV host.
Sagot niya, “I will use the word again… Joy. Oo. 'Yun lamang, maging masaya sa lahat ng ginagawa. I'm not wishing for a perfect life. I just wish for joy in my heart.”
December 15, 2022 nang opisyal na pumirma ng kontrata sa GMA Network si Boy, tanda ng kanyang pagbabalik Kapuso matapos ang halos tatlong dekada.
January 23, 2023 naman nang magsimulang umere sa GMA ang Fast Talk with Boy Abunda na naging credible go-to source ng publiko patungkol sa lahat ng mga kaganapan sa showbiz industry.
Patuloy na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.













