Patrick Garcia, binasted noon ni Anne Curtis?

First time sa Fast Talk with Boy Abunda na inamin ng '90s teen heartthrob na si Patrick Garcia na binasted siya noon ng ngayo'y It's Showtime host na si Anne Curtis.
Sa April 3 episode ng nasabing talk show, masayang nakipagkuwentuhan si Patrick at ang kaniyang kaibigan na si Paolo Contis sa batikang TV host na si Boy Abunda.
Dito ay ibinida nina Patrick at Paolo ang kanilang reunion movie na A Journey kasama ang aktres na si Kaye Abad.
Co-stars noon ang tatlo sa 1999's youth-oriented drama na Tabing-Ilog kasama sina John Lloyd Cruz, Jodi Sta. Maria, Baron Geisler, Desiree Del Valle, at Paula Peralejo.
Sa pagsalang ni Patrick sa “Fast Talk,” isa sa mga naging tanong sa kaniya ni Boy ay, “Artista na nambasted sa 'yo?”
Mabilis naman na sagot ni Patrick, “Anne Curtis.”
Hindi naman na nagbigay ng maraming detalye ang aktor tungkol sa naging panliligaw niya kay Anne, pero sabi niya, “Matagal na 'to. Mga 1999 pa 'to. Ngayon ko lang sinabi 'to, sorry guys.”
Kasal na si Patrick ngayon kay Nikka Martinez-Garcia at mayroon na silang apat na anak na sina Michelle Celeste, Nicola Patrice, Francisca Pia, at Enrique Pablo.
RELATED GALLERY: The stylish outfits we've seen on Anne Curtis














