
Matapos ang mahigit dalawang dekada, muli nang mapapanood sa GMA Network ang tinaguriang King of Talk na si Boy Abunda sa pinakabagong multi-platform showbiz news and talk show na Fast Talk with Boy Abunda na magsisimula na ngayong January 23.
Grateful naman ang host nito na si Boy na muli na siyang mapapanood sa isang talk show sa telebisyon pagkatapos ng mahigit dalawang taon mula nang magkaroon ng pandemya.
Bukod dito, masaya rin si Boy na muli nang magbabalik ang isang showbiz-oriented talk show sa Philippine television dahil matagal-tagal na rin itong nawala sa ere dahilan kung bakit naging limitado na ang sources ng mga Pilipino patungkol sa showbiz updates.
Layunin naman ng Fast Talk with Boy Abunda na maging isang credible go-to source patungkol sa lahat ng mga kaganapan sa showbiz industry kung saan isa-isang hihimayin ang mga pinakamaiinit na isyu at mabibigyan ng pagkakataon ang celebrities na sumalang sa kaabang-abang na hot seat interviews kasama si Boy.
Mapapanood ang nasabing 20-minuter program mula Lunes hanggang Biyernes via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
Nagpapasalamat naman si Boy sa kanyang pagbabalik sa GMA Network na kanyang naging unang tahanan at naging daan upang makilala siya bilang isang premyadong TV presenter.
Sa media conference ng Fast Talk with Boy Abunda nitong Sabado, January 14, ibinahagi ni Boy ang kanyang saloobin tungkol sa kanyang bagong programa.
Aniya, “It's not gonna be easy dahil ako ay kakatok, hihiram, hihingi, ng 20 minutes ng oras tuwing hapon from Monday to Friday, mula sa ating mga kababayan, sa mga nanay, sa mga tatay, sa mga Kapuso na makipagbalitaan at makipagkuwentuhan but exactly how its gonna work, is it gonna work, mapangahas masyado sabihin na magagawa ko 'yun, I will need your help.”
Aminado si Boy na malaki na ang pagbabago ngayon sa sources ng mga balita ng mga Pilipino kasama na ang showbiz updates kung kaya't challenging para sa kanyang programa ang maging una sa balitang pang-entertainment.
“I am cognizant of where I am today. Hindi lamang reporters, hindi lamang tayo ako'y may YouTube, ikaw ay may YouTube, may Facebook. Everybody has become an active participant in the communications ecosystem.
“So we have to step up, we have to be able to present how we're gonna do Fast Talk. Ang Fast Talk naman is specific and personal to the guest,” aniya.
Samantala, panoorin ang unang teaser ng Fast Talk with Boy Abunda sa video sa ibaba:
KILALANIN ANG KING OF TALK NA SI BOY ABUNDA SA GALLERY NA ITO: