
Hindi napigilang maging emosyonal ng 'Star for all Seasons' na si Vilma Santos nang humarap sa Fast Talk with Boy Abunda kung saan ipinarating nito ang tunay na nararamdaman tungkol sa isyung scam na kinasasangkutan ngayon ng anak na si Luis Manzano.
Sa panayam ng batikang host na si Boy Abunda, diretsahan nitong tinanong ang aktres, "Bilang ina, gaano kasakit ngayon ang maranasan na may pinagdadaanan ang iyong anak na si Luis?"
Mahirap man para sa kaniya na sagutin ang tanong, kahit na naiiyak ay pinilit ng 'Star for all Seasons' na masabi ang saloobin tungkol sa isyung kinakaharap ngayon ni Luis.
"Mahirap din kasi na kung minsan na it's your job to do good, to show people that you're comfortable, pero deep inside you're hurting," naiiyak na sabi ni Ate Vi.
Pagpapatuloy niya, "The only thing I can say is that I know my son, ang anak ko tumutulong, hindi nanloloko. Kaya 'yung mga nagsasalita at nanghuhusga sa kaniya dahan-dahan lang kayo, walang ibang nakakakilala sa anak ko kundi ako. And I know he's such a good person."
Ayon kay Ate Vi, ang hiling niya lang ngayon sa Diyos ay paggabay. Sabi niya, "At this point is just asking for guidance, not even for myself, but for my children. Ako na lang 'wag lang anak ko, ako na lang.
"At this point in time to all my friends and sa lahat ng mga kaibigan is just prayers because I know my son, lalagpas din ito. I know him, I know my son."
Mensahe naman ni Ate Vi para kay Luis, "You will be fine, anak. Maraming nagdarasal [para] sa'yo and the truth will prevail. Alam ng mga tao 'yan tumutulong ka anak, hindi ka nanloloko. And I love you. I love you, Lucky!"
Kamakailan lamang nang nabalita ang pagkakadawit ni Luis sa umano'y investment scam ng kompanyang Flex Fuel Corporation kung saan naghain ng reklamo ang ilan sa investors nito dahil kulang ang nakukuha nilang dibidendo mula sa kumpanya.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m., sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.