
Game na game sina Sparkle stars Julie Anne San Jose at Rayver Cruz sa pagsagot ng mga tanong ng King of Talk na si Boy Abunda sa latest episode ng Fast Talk with Boy Abunda.
Isa sa mga tanong ng batikang talk show host para sa Kapuso artists ay tungkol sa cheating: kung ano ang kahulugan nito sa kanilang henerasyon, kailan nagchi-cheat ang isang tao, at ano ang itinuturing nilang cheating.
Para sa Asia's Limitless Star, mahirap bigyan ng kahulugan ang cheating dahil maraming itong kahulugan at iba-iba ang interpretasyon ng mga tao tungkol dito. Dahil doon, tinanong ni Boy kung ano ang pananaw ni Julie Anne sa cheating.
“It's something that you do when you're not contented in a relationship,” sagot ng actress-singer.
Nagbigay naman ng scenario si Boy at sinabi kay Julie Anne, “Halimbawa, text. Halimbawa, nakipag-usap sa telepono. Halimbawa, tumingin ng kakaiba.”
Ayon sa former Maria Clara at Ibarra star, depende raw ito sa pag-uusap ng dalawang tao. Dagdag na tanong ng seasoned TV host kung masasabi bang pagloloko kapag mayroong kaunting landi sa pag-uusap sa pagitan ng dalawang tao.
“For me, medyo under the table. Medyo shady kasi siya, Tito Boy, kasi you're allowing the person to flirt with you or make landi with you, and then you landi back,” sagot ng aktres.
Ayon naman kay Rayver, kapag nasa committed relationship ang isang tao ay dapat sagrado na iyon.
Aniya, “Kung nasa isang relasyon ka, dapat contented ka with your partner and the person that you love. Kasi kung hindi ka… kagaya ng sabi ni Juls [Julie Anne] na hindi contented, 'yung mga tendencies talaga na hahanapin mo sa ibang tao. And then mahirap kasi makipag-one-on-one na makipaghiwalay, so ang nangyayari siguro ang tendency is nagkakaroon ng cheating.”
Tinanong din ni Boy ang Clash Masters kung mayroon bang klase ng cheating na puwede pang mapatawad o wala na.
Para kay Julie Anne, wala nang excuse para sa mga taong pipiliing manloko ng kanilang karelasyon.
“Kasi kapag sinabi mong cheating, Tito Boy, cheating e. Parang wala kasi siyang excuse,” ani ng Sparkle actress.
Matapos ito, tinanong naman ni Boy ang Kapuso hunk tungkol sa second chances. Sumang-ayon si Rayver sa sagot ni Julie Anne at dinagdag na depende rin ito sa sitwasyon ng ibang tao tulad ng mga mayroong pamilya.
Paliwanag niya, “I agree with Juls. Pero kasi depende siguro sa sitwasyon dahil 'di natin alam, depende kapag pamilyadong tao ka na, e. Maybe by then, depende sa kasalanan. For the kids, baka puwedeng maayos para sa mga bata. Pero I agree with Julie po na kapag nagloko ka na, mahirap na po kasi 'yung trust nag-crack na.”
Iginalang naman ni Boy ang pananaw ng dalawang Kapuso talents ngunit sinabi niyang iba ang kaniyang paniniwala tungkol sa naturang usapin.
“Naniniwala ako na kapag mahal mo ang tao, your love should always be bigger than the weaknesses of your partner. May kasabihan nga si Maya Angelou, 'You should always give your partner a second chance. Always a second chance.'
“Pero ang hirap no'n, lalo na 'yung lamat, 'yung trust na nasisira pero iba-iba nga tayo,” saad ni Boy.
Mapapanood naman sina Julie Anne at Rayver sa kanilang first-ever pelikula na The Cheating Game.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
SAMANTALA, SILIPIN ANG SWEETEST MOMENTS NINA JULIE ANNE SAN JOSE AT RAYVER CRUZ SA GALLERY NA ITO.