
Sa GMA Afternoon Prime hit na The Half Sisters unang nagkatrabaho ang mga Kapuso actresses na sina Sanya Lopez at Thea Tolentino.
Ngayon, magkatrabaho muli sila sa isa pang GMA Afternoon Prime series na Haplos kung saan gumaganap sila bilang magkapatid at magkaribal.
Hindi naman naitago ni Sanya ang paghanga sa kanyang co-star na si Thea.
"Magaling si Thea. Magaling talaga siya sa The Half Sisters pa lang," pahayag nito sa isang eksklusibong panayam ng GMANetwork.com.
Ito daw isa sa mga nagtutulak sa kanya na lalo pang pagbutihin ang pag-arte.
"Siguro mas kailangan ko pang effort-an ngayon kasi magaling si Thea. Ako 'yung nahihiya na parang, paano ko ba masasabayan 'yung galing niya?" ani Sanya.
Malayong malayo din daw ang ugali ni Thea sa mga kontrabidang na ginaganapan niya.
"[She's] very different from her character. Sobrang taray niya sa mga eksena niya pero 'pag nakausap mo siya sobrang gaan lang. Makaka-vibes mo siya kagad. Siya 'yung unang naga-approach. Siya 'yung unang gagawa or maghahanap ng topic na pagku-kwentuhan niyo," paglalarawan niya sa kanyang kapwa aktres.
Batid din daw ni Sanya ang mga ipinagbago ni Thea bilang isang aktres.
"Mas nakita ko ngayon na hindi lang dito sa Haplos, kahit sa iba niyang palabas like sa Destined To Be Yours, parang nakita ko mas nag mature 'yung karakter ni Thea. Hindi siya nag-stay na ganito lang," kuwento nito.
"Mahilig siyang manood ng mga movies. Feeling ko, nag-o-observe din siya sa mga acting nila kaya noong nakita ko siya, mas nag mature 'yung acting [niya]. Sana ako din!" dagdag pa nito.
Patuloy na panoorin sina Sanya at Thea sa Haplos, Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng Impostora sa GMA Afternoon Prime.