
Nagsimula na ang ikatlong handog ng drama anthology na I Can See You, ang “High-Rise Lovers” na pinagbibidahan nina Lovi Poe, Tom Rodriguez at Winwyn Marquez nitong Lunes, October 12.
Sa panayam ng 24 Oras, ibinahagi ng cast na bagamat nanibago sa new normal taping at pagbabalik-trabaho matapos ang pitong buwan na pahinga dahil sa community quarantine, masaya silang nakatapos ng isa na namang kaabang-abang na proyekto.
“Just talking to Tom and to the whole crew and staff, naninibago ako.
“Pero the sense of fulfillment after ng buong taping talagang you just can't beat that feeling everytime nakatapos ka ng proyekto,” ani Lovi.
Dagdag pa ni Winwyn, proud siya na sa pagbabalik-trabaho niya ay “High-Rise Lovers” ang unang natapos niyang proyekto.
“Ang sarap sa pakiramdam na I'm in front of the camera again and working with these actors and alam kong may ipapalabas kami na sobrang worth it panoorin,” aniya.
Tampok sa serye ang ibang klase ng infidelity at ayon kay Tom, walang maituturing na kontrabida sa alinmang karakter.
“May kakaiba rin siyang atake and twist… gusto ko 'yung sinabi ni Direk Monti na walang kontrabida.
“Everyone is a victim of circumstance na you could almost kind of see and feel or emphatize kung paano sila nadadala sa mga sitwasyon na 'yon.
“And in the end, when you see the resolution, parang kahit ikaw parang you feel like you've been on that journey with them,” sabi pa ng aktor.
Kasama rin nila sa cast ang actor-comedian na si Divine Tetay at aktres na si Teresa Loyzaga.
Mula sa direksyon ni Monti Parungao, mapapanood ang I Can See You: High-Rise Lovers mula October 12 hanggang October 16, sa GMA Telebabad.