
Kung ano ang paghahandang ginawa ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes sa GMA primetime mini-series na I Can See You: AlterNate ay iyon din ang paghahandang ginawa ng co-actor double niya.
Ang tinutukoy namin na literal na ka-alternate ni Dingdong sa serye ay walang iba kung 'di ang Kapuso star na si Dion Ignacio.
Matagal nang nahahawig si Dion sa Primetime King kaya perfect choice siya para sa stand-in role sa GMA Telebabad series kung saan dalawang karakter ang ginampanan ni Dingdong--ang magkakambal na sina Nate at Michael.
Bagamat hindi lumabas sa I Can See You: AlterNate, hindi raw ito isyu para kay Dion dahil, para sa kanya, karangalan na makatrabaho ang iniidolo niyang si Dingdong.
Bahagi niya sa panayam ng GMANetwork.com, "Sa 'kin okay naman, proud nga ako e kasi nagkaroon ako ng chance na makatrabaho si Kuya Dingdong dahil dito sa I Can See You: AlterNate kasi kung may bucket list ako, isa sa list ko 'yung makatrabaho ko si Kuya Dingdong kasi talagang idol na idol ko siya noon pa man."
Ang main goal ng role ni Dion ay para masuportahan ang kanyang mga ka-eksena sa kung anong required na emosyon ang kailangan nilang i-deliver.
Sa kasong ito, pang dalawang tao rin ang inaral na script ni Dion gaya ng bida na si Dingdong para mas maging natural ang batuhan ng linya.
Ani Dion, "First time kong kabisaduhin 'yung linya rin ng ka-eksena ko, gano'n din naman si Kuya Dong. Ang hahaba ng dialogue ni Nate saka ni Michael 'pag nag-uusap. Kailangan kabisado mo lahat 'yun kasi magpapalit kayo.
"Kahit hindi ako makita kasi ang goal ko masuportahan 'yung artista na ka-eksena ko, si Beauty Gonzalez saka si Kuya Dingdong para maganda 'yung reaksyon nila, maging natural.
"Kung kailangan umiyak ni Nate do'n sa eksena, talagang iiyak ako. Talagang ipaparamdam ko 'yung totoong acting, talagang may karga din po ako."
Diin pa ni Dion, "Likod lang 'yung kita sa 'kin pero, sa harap, talagang binuhos ko lahat ng effort ko lagpas 100 percent."
Aminado si Dion na kinabahan siya sa kanyang first stand-in dual role pero naging madali ito dahil sa tulong ng I Can See You: AlterNate director na si Dominic Zapata at kanyang ka-eksena na si Dingdong.
Pahayag ni Dion, "Buti na lang na-guide kami ni Direk at ni Kuya Dingdong. Maalaga si Kuya Dingdong sa set e, parang nagkaroon ako ng Kuya sa set.
"Sabi ko kay Kuya Dong, sana sa next teleserye natin magkasama na tayo, 'yung makikita na ko."
Tampok din sa I Can See You: AlterNate sina Beauty Gonzalez, Ricky Davao, Jackie Lou Blanco, at Joyce Ching.
Mapapanood ang huling linggo ng I Can See You: AlterNate sa ganap na 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.
Samantala, narito ang kumpletong listahan ng cast members at ang mga karakter na kanilang ginagampanan sa GMA Telebabad series: