
Tampok ang tambalang Richard Gutierrez at KC Concepcion sa digital channel na I Heart Movies sa darating na linggo.
Mapapanood kasi rito ang kanilang romantic comedy film na When I Met U.
Sa pelikulang ito, gumaganap si KC bilang Jenny, isang hopeless romantic na nagtatrabaho bilang isang promodizer sa mall. Si Richard naman ay si Benjie, piloto ng isang cargo plane.
Para maka-attend ng isang kasalan sa Palawan, makikisakay si Jenny sa cargo plane ni Benjie. Sa 'di inaasahang pangyayari, magka-crash ito!
Paano magsu-survive sa isang liblib na isla sina Jenny at Benjie?
Abangan ang When I Met U, May 29, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Napapanahon naman ang drama film na Babagwa na pinagbidahan nina Alex Medina, Joey Paras, at Alma Concepcion.
Tungkol ito sa grupo ng mga scammer na pumupuntirya ng mga mayayamang magiging biktima nila gamit ang Facebook.
Huwag palampasin ang kuwento ng online love scams sa Babagwa sa May 31, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital television receivers.