TV

'That Boy in the Dark,' tampok sa I Heart Movies

By Marah Ruiz

Award-winning films ang mapapanood ngayong linggo sa digital channel na I Heart Movies.

Isa na diyan That Boy in the Dark na pinagbidahan ng young Kapuso actor na si Joaquin Domagoso.

Gumanap siya dito bilang Knight, isang binatang unti-unting nabubulag matapos maaksidente. Habang nagpapagaling sa bahay ng kanyang lolo, makakarinig siya ng misteryosong mga sigaw at iyak tuwing gabi. Walang maniniwala sa kanya kaya si Knight na mismo ang mag-iimbestiga dito.

Humakot ng mga parangal si Joaquin Domagoso matapos ang pagganap niya sa pelikula. Kabilang dito ang Best Actor awards mula sa 16th Toronto Film and Script Awards, Boden International Film Festival sa Sweden, at Five Continents International Film Festival 2022 sa Venezuela.

Hinirang bilang Best Feature Film ang That Boy in the Dark sa Boden International Film Festival, at Best Thriller Feature Film sa 2022 Five Continents International Film Festival. Kinilala din bilang Best Director sa Boden International Film Festival at nabigyan ng Special Mention as a Feature Film Director sa 2022 Five Continents International Film Festival si Adolf Alix Jr.

Nakuha rin ng pelikula ang parangal para sa Best Supporting Actor para kay Kiko Ipapo, Best Screenplay para kay Gina Marissa Tagasa, at Best Lighting para kay Nelson Macababat Jr. sa 2022 Five Continents International Film Festival.

Abangan ang That Boy in the Dark, sa July 20, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.

Huwag ding palampasin ang pelikulang Kubrador na pinagbidahan ng beteranang aktres na si Gina Pareño.

Gumanap siya dito bilang Amy, isang kubrador ng jueteng na patuloy na umiikot para mangolekta ng mga taya sa kabila ng kanyang pagtanda at mas pinaigting na crackdown laban sa ilegal na pagsusugal.

Dahil sa kanyang pagganap, umani si Gina Pareño ng parangal bilang Best Actress sa Osian's Cinefan Festival of Asian and Arab Cinema at maging sa 2007 Gawad Urian.

Humakot din ng mga pagkilala ang pelikula tulad ng Lino Brocka Award o Grand Prize sa Cinemanila International Film Festival; International Critics Award sa 28th Moscow International Film Festival 2006; Best Film at International Critics Award sa Osian's Cinefan Festival of Asian and Arab Cinema; Best Film, Best Director, Best Cinematography, at Best Production Design sa 2007 Gawad Urian at hinirang pang Best Filipino Film of the Decade noong 2010 Gawad Urian.

Tunghayan ang Kubrador, sa July 17, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.

Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital television receivers.