
Bibida sa inaabangang GMA Afternoon Prime soap na Ika-5 Utos ang real-at-reel love team nina Jake Vargas at Inah De Belen kasama ang nagbabalik Kapuso na si Gelli De Belen.
Excited ngunit aminado ang young Kapuso stars na hindi pa palagay ang kanilang loob sa veteran actress na tiyahin ni Inah.
“Pinaghahandaan ko rin iyon kasi kapag kaharap ko siya, medyo kinakabahan [ako]. Siyempre, tita niya so [nahihiya pa ako],” pag-amin ng aktor sa panayam ni Lhar Santiago sa Unang Hirit.
Mas pipiliin naman ni Inah na makatrabaho ang kanyang tiyahin kaysa sa kanyang mga magulang na sina John Estrada at Janice De Belen na nasa Kapuso network rin.
“Tita ko siya so medyo nako-conscious ako pero feeling ko, mas kaya ko na siya ang ka-eksena ko [at] hindi ‘yung nanay ko at saka tatay ko,” ani ng aktres.
Samanatala, malaking hamon ang haharapin ng JaInah sa kanilang bagong pagbibidahang soap. Abangan!