
Naging emosyonal ang isang searchee sa segment na “Expecially For You” ng It's Showtime nitong Huwebes dahil sa kabutihang loob ng host-comedian na si Vice Ganda.
Ikinuwento ng dalagang si Nami na tumigil siya sa pag-aaral dahil sa problemang pinansyal at personal niyang desisyon na magtrabaho. Ayon pa sa 21-year-old searchee, disabled ang kanyang ama at kapatid.
Nang tanungin siya ni Vice Ganda kung nais pa niyang makapag-aral ay umoo ang dalaga, na nakapagtapos ng senior high school.
“Paano kung pagtatapusin kita ng pag-aaral?” tanong ng “Unkabogable Star” kay Nami.
Dagdag niya, “Kasi 'di ba we're talking about education kanina pa. Pinu-pinush natin 'yung isang kabataan dito na magtapos ng kanyang pag-aaral kasi gano'n siya kahalaga e. Lalong-lalo na para sa atin, para sa akin na ako mismo hindi nakapagtapos pero ang laki sigurong bagay kung nakapagtapos pa ako.”
“Kasi mayroon naman pribilehiyo e pero ayaw nila. Kung ikaw ay magkakaroon ng pribilehiyo na makapagtapos sa pag-aaral, kukunin mo ba ang pribilehiyo na ito, Nami?” tanong ng batikang komedyante.
Sagot ng dalaga, “Oo naman po.”
“So I will send you to school,” ani Vice Ganda.
Dahil dito, naging emosyonal si Nami at niyakap siya ng It's Showtime host.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Biyernes, 11:30 a.m., at tuwing Sabado sa oras na 12 noon sa GTV.