
Isa na namang episode na puno ng emosyon, intriga, at tawanan sa patok na segment na “EXpecially For You”' ng It's Showtime nitong Lunes (June 3).
Ngayong araw, naging usap-usapan ng netizens ang breakup story nina Charlene (searcher) at Albert (ex), kung saan naging malaking epekto ang pagsusugal ni ex sa kanilang hiwalayan.
Naging emosyon si Charlene habang ikinukuwento ang kanilang istorya. Dahil daw labis na pagsusugal ni Albert, hindi niya na raw maramdaman ang pagmamahal ng kaniyang boyfriend noon. Nang napuno na siya sa kanilang sitwasyon, nagdesisyon si Charlene na humiwalay na lamang kay Albert.
Habang pinag-uusapan nila ang kanilang nakakalungkot na breakup, maraming nagulat at nalungkot nang ibinunyag ni Albert na hindi na niya raw mahal si Charlene bago pa ang kanilang hiwalayan. Hinintay niya na lamang ang kanyang dating nobya na magsabi dahil gusto niya manggaling mismo kay Charlene ang desisyon.
Maraming madlang Kapuso ang nagpakita ng dismaya at lungkot, kasama ang mga host ng programa.
Pero bilgang tumawa ang lahat nang napatanong si Kim Chiu kay Albert, na tila sinesermon niya ang lalaki.
"Ba't hindi ikaw ang nagtigil kung ayaw mo na? Linoloko mo lang pala siya," tanong ni Kim.
Dagdag ng aktres,"Ba't nung naramdaman mong ayaw mo na, bakit hindi mo tinigil na?"
Dahil nakikitang nanggigigil ang kanilang kaibigan, pabirong sinabi ni Jhong Hilario na hawakan ni Karylle ang kaniyang kasama, para awatin siya mang-sermon kay Albert.
Paliwanag naman ni Vice Ganda tungkol sa sitwasyon ng dalawang guests, "May mga tao na hindi nila - kahit wala na silang nararamdaman, kahit ayaw na nila doon sa tao, hindi sila makikipaghiwalay at hindi sa kanila manggagaling, para 'di magmukhang sila 'yung masama. Hinihintay nila na sila 'yung hihiwalayan para sila 'yung victim."
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado sa oras na 12 noon sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.