
Isa na namang makulit na tanghalian ang naganap sa noontime program na It's Showtime nitong Lunes (June 10).
Maraming viewers ang nagulat sa surprise guests na nakilaro sa fun segment na "Showing Bulilit," na sina Erik Santos, Tetay, at ang viral "EXpecially For You" guest na si Malc.
Umpisa pa lang ng segment, maraming natawa sa banters ng mga players lalo na sa magkakampi na sina Vice Ganda at Malc.
Biro ng Unkabogable star, hiniling ni Malc na sila ang maging mag-partner dahil kung hindi, tatangihan niya ang kanilang imbitasyon.
"May demand. Kailangan daw ako ang first niyang kakampi. Ang hirap kunin, ah. May mga technical rider, may hospitality rider. Sa dressing room niya kailangan may naka-ready na fruits at Evian water," sabi ni Vice.
Dagdag niya, "Kailangan handa na ang lahat. At 'tsaka kailangan, maaga pa lang, nandoon na 'yung magfu-foot spa. Kasi raw baka mapagod 'yung mga paa niya ngayon kaya kailangan fresh."
Naghiyawan ang madlang Kapuso nang sinagot ni Malc kung ano ang kaniyang ambag sa programa.
Aniya, "Makapagpasaya ng madlang people natin."
Ipinamalas din ng binata ang kaniyang iconic kagat labi at "simpleng" pagkindat sa camera.
Natawa rin ang viewers nang bumati si Tetay sa audience with full energy kahit paos pa ang kaniyang boses.
Paliwanag ng komedyante, "Kailangan kong i-warm up kasi it's been a while since the last time I came here na ginawa ko ito. So nag-a-adjust pa ako ngayon."
Mas naging magulo ang players nang naglaro na sila sa segment. Isa sa mga naging usap-usapan ng netizens online ang sablay na pagsagot ni Malc sa huling round. Sa halip kasi na Hiram na Mukha, ang sinagot ni Malc, "unggoy na mukha."
"Tawang-tawa? Saan ka nakatingin noong sinabi mo 'yung unggoy na mukha? Ano ang nagbigay sa 'yo ng inspirasyon para sabihin iyon," tanong ni Vice.
Maraming natawa nang biglang tumingin si Malc kay Jhong Hilario at biglang binati ang host.
Ang nakapasok sa final round ay sina Jhong at Tetay, kung saan nanalo sila ng 35,000 pesos para sa madlang audience.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado sa oras na 12 noon sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.