
Usap-usapan ng online ang kuwentuhan ng It's Showtime hosts sa patok nilang segment na "EXpecially For You" nitong Miyerkules, June 19.
Napakinggan kasi ng madlang Kapuso ang breakup story nina searcher Chelle at ang kaniyang ex na si Ian. Sa kanilang pag-uusap, napag-alaman na ang rason ng kanilang hiwalayan ay dahil sa pagpili ni Ian sa mga regalo na natatanggap niya mula sa kaniyang gay friend.
Inamin ng ex na pinaasa niya rin ang damdamin ng kaniyang kaibigan dahil labis ang pagtanggap niya ng mga regalo kahit alam niyang may gusto ito sa kaniya.
Ngunit nang naghiwalay na ang dating magkasintahan, doon napagtanto ni Ian ang kaniyang pagkakamali at ibinalik ang mga regalo sa kaniyang gay friend.
Habang nakikinig sa kanilang istorya, natuwa si Vice Ganda na alam ni Ian ang kaniyang pagkakamali ngunit nalulungkot pa rin ang Unkabogable Star dahil alam niya kung gaano kasakit ito kay Chelle at sa kaibigan ni Ian.
"Kung ikaw meron kang konsensya at wala ka talagang intensyon mang-abuso, bibigyan mo ng hinto ang isang bagay na hindi ka komportable. At isang bagay para sa iyo ay hindi katangap-tangap, If you feel na hindi siya appropriate, you will put a stop to it, " pahayag ni Vice.
Marami raw mga gay ang nakakaranas ng mga ganitong bagay. Sa totoong buhay, tila raw karamihan sa kanila ay ginagamit at pinapaasa lamang para lang sa mga materyal na regalo na gusto ng kanilang pinupusuan.
"Ang dami naming mga bakla na nakakaranas ng ganiyan. 'Yung ganiyan 'yung bibigyan kami ng pag-asa kahit simula't sapul wala lang rin naman. Hindi naman dahil sa ang habol nila ay 'yung magandang relasyon namin sa kanila at 'yung magandang kaluluwa namin at gandang puso, ang habol naman talaga, e, 'yung bagay na makukuha, 'yung mahuhuthot at masipsip niyo sa amin," sabi ng Unkabogable Star.
Dagdag din ni Vice, "Pero 'yun ang masakit kasi kaming mga bakla, puwede n'yo kami maging matalik n'yong kaibigan. Puwede n'yo kami maging seryosong ka relasyon. Puwede n'yo kaming kakampi, puwede n'yo kaming kabarkada, puwede n'yo kaming kagrupo, 'di ba? Pero hindi mangyayari iyon kung ang intesyon n'yo lang, e, huthutan kami. Bukod sa kaya naming magbigay ng mga regalo, may mas malaking kaya namin ibigay (at) 'yun 'yung puso namin para maging kapamilya ninyo, kagrupo n'yo, kaibigan n'yo, ka-partner n'yo sa buhay."
Hiling ni Vice na sana maraming magbago sa kanilang pakikitungo sa mga nasa LGBTQIA+ community, lalo na sa mga bakla. Nais ng host na maging totoong matalik na kaibigan o partner ang mga tao sa kanila.
Aniya, "Sana maraming maka-realize 'yun, na bukod sa regalo, this person is more than this material things. Bukod sa binibigay niyang regalo , 'yung puso niya maganda at iyon pa lang sapat na para maging kaibigan ko rin siya."
Nabanggit din ni Vice na meron din pagkakamali ang mga gay friends kaya sila pumapasok sa ganitong sitwasyon.
"Baka siguro kasi meron tayong bahagi sa sistema na iyon. Kasi pinapa ikot natin 'yung sistema, eh. Na kailangan ganoon tayo (mapagbigay)... para ma-appreciate tayo to the point na parang binibili naman natin 'yung tao, eh. Kinukuha natin ang atensyon niya hanggang sa nasasanay sila. Hanggang sa may isang tao tayong makikilala na magpapaalala sa atin na, 'Huy! Hindi iyan ang maganda saiyo. Maganda sa iyo ang puso mo. Kung paano mo ko trinato bilang tao, bilang lalaki, mas na appreciate nila iyon,' " paliwanag ni Vice.
Subaybayan ang It's Showtime Iwing Lunes hanggang Sabado sa oras na 12 noon sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.