
Puno ng emosyon ang It's Showtime studio nang ibinalita ni Ryan Bang ang kaniyang proposal sa kaniyang non-showbiz girlfriend na si Paola Huyong.
Nitong Sabado (June 29), marami ang naluha sa tuwa para sa kanilang Oppa, lalo na ang Unkabogable Star na si Vice Ganda.
Hindi napigilang maging emosyonal ang comedian nang niyakap siya ni Ryan on stage. Proud kasi si Vice para sa kaniyang kaibigan at super touched sa ideyang siya ang pinaka unang nilapitan ng host para sa kaniyang planong engagement.
"Nakaka-touch kasi ako 'yung una niyang sinabihan. Sabi niya, 'Wala akong ibang pinagsabihan, kahit nanay at tatay ko. Sa 'yo ako nagpaalam,'" sabi ni Vice.
Dagdag din ng Unkabogable Star, "Wala akong kakaba-kaba. Alam ko namang magye-yes si Paola. Walang tatanggi kay Ryan dahil hindi ka katanggi-tanggi. Wala akong nakikitang katanggi-tanggi sa'yo. Napakaganda mong tao. Suwerte kayong dalawa ni Paola sa isa't-isa.”
Masaya ring nagpasalamat si Ryan kay Vice, "Mommy, thank you. You allowed me [to] propose kay Paola at thank you pinalaki mo kong sobrang buti. Maraming maraming salamat. I love you so much."
Habang sila'y nagiging emosyonal, ikinuwento rin ni Vice na umiyak silang pareho bago ang proposal.
"Kahapon pa lang, bago siya nagpunta doon, super hagulgulan na kaming dalawa. Wala lang, I'm just so proud,” sabi niya.
Pabiro rin niya sinabi, "Ang tagal naming magkayakap, iyak kami nang iyak. Tapos pagbitaw namin sabi ko, 'Ano'ng gown ko?'”
Walang halong biro, labis ang tuwa raw at pagiging proud ni Vice para sa kaniyang kaibigan. Simula nang naging couple sina Ryan at Paola, masayang nakikita ni Vice ang dalawa na mas gumaganda magkasama.
Ikinuwento ni Vice na nagpasalamat siya kay Paola noong isang araw. Dahil nakikita niya ang magandang epekto ng kaniyang relasyon kay Ryan.
"[Sinabi ko kay Paola], 'Na magmula naging girlfriend ka ni Ryan, parang hindi napigilan ang kagwapuhan niya.' Lumabas nang lumabas, from a baby to a man, 'di ba? Parang naging lalaking- lalaki na nag-mature ta's ang guwapo-guwapo. Lumabas 'yung kagandahan ng tao niya lalo," sinabi ni Vice.
Ginanap ang intimate proposal ni Ryan sa isang cafe sa Quezon City.
Noong nakaraang taon, sinorpresa ni Ryan ang madlang people nang inanunsyo niya ang kaniyang relasyon kay Paola sa programa.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado sa oras na 12 noon sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.
RELATED CONTENT: Ryan Bang's sweetest moments with non-showbiz GF Paola Huyong